Panimulang pangkabuhayan ang hatid ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Provincial Government of Nueva Ecija (PGNE) sa mga benepisyaryo mula sa Lungsod ng Cabanatuan at Bayan ng Llanera

Nakatanggap ng libreng livelihood assistance mula sa Department of Labor and Employment at Provincial Government of Nueva Ecija ang dalawangdaan at walumpung pamilya mula sa Lungsod ng Cabanatuan at bayan ng Llanera.

Kabilang sa mga  naipamigay ay ang 10 sewing machine, 10 welding machine at 260 groceries na nagkakahalaga ng 5,000 piso.

Ayon kay Bott Valino, representative ni Governor Cherry Umali, ang programang ito ay bahagi ng Malasakit Program kung saan ay tutulungan ang bawat pamilyang Novo Ecijano na maiangat ang kabuhayan.

Dagdag naman ni Provincial Director Maylene Evangelista ng Department of Labor and Employment, kung sakaling maging matagumpay ang Kabuhayan Starter Kit ay bibigyan sila ng pagkakataon na matulungan pa ng kanilang ahensya.

Hiniling naman ni Ma. Luisa Pangilinan, PESO Manager sa mga benepisyaryo na pag-ingatang mabuti ang libreng tulong ng gobyerno at mas mapalago pa para makatulong sa mga miyembro ng pamilya.

Pasasalamat naman ang hatid ni Former Mayor Lorna Vero dahil isa ang kanilang bayan sa mapalad na napili ng pamahalaang panlalawigan na mabiyayaan ng libreng livelihood assistance.

Kaugnay nito, nagpaabot din ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa malaking tulong na kanilang natanggap. –Ulat ni Shane Tolentino