Sa kasalukuyan ay may itinatayong 3 Storey Building ang Pamahalaang Panlalawigan na matatagpuan sa Brgy. Daang Sarile, Cabanatuan City na inumpisahang gawin noong October 2017.

Mahigit 120 milyong piso naman ang nakalaang pondo sa pagpapatayo ng bagong gusali na may sukat na 2,796 Square Meters.

Ipinagmalaki ni Provincial Hospital Director Augusto Abeleda Jr., na hindi na kailangan ilikas ang mga pasyente sa tuwing may kalamidad dahil elevated o nakaangat na ang bagong gusali ngayon  kumpara sa dati na madaling bahain  na karaniwang suliranin ng ospital.

Sinabi nito na may mga karagdagang bagong pasilidad ang naturang ospital at asahan rin aniya na may lima hanggang anim na wards sa bawat departamento ng pagamutan.

May isolation room npara sa may mga sakit na madaling maipasa o nakakahawa ganun din ang pedia ward at medical ward.

Dagdag pa nito, nasa humigit kumulang dalawangdaan at limampung pasyente ang kayang i-accommodate  ng bagong gusali sa oras na  matapos ito.

Mayroon din aniyang nakalaang lugar para sa mga out-patient mula Lunes hanggang Biyernes na kung saan mas organisado ang waiting area kumpara dati. Inaasahan na matatapos sa buwan ng Setyembre ngayong taon ang bagong gusali.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN.