Sa ika-labing pitong regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ay inaprubahan sa Committee of the Whole ang pagpapasa ng ordinansa para sa Medicine Consignment System sa sampong District Hospital sa lalawigan na naglalayong magkaroon ng supply ng gamot sa mga pharmacy ng mga hospital.
Masosolusyunan na ngayon ang problema sa mga gamot ng mga hospital ng provincial government sa pamamagitan ng consignment system dahil sisiguraduhin nang palaging may mabibiling gamot sa loob mismo ng pagamutan.
Paliwanag ni 4th District Board Member Nap Interior, Chairman ng Committee on Health, mas mapakikinabangan ang no balance billing sa mga hospital kung sa loob na mismo ng pagamutan bibilhin ang mga kinakailangang gamot ng mga pasyente.
Sinabi naman ni Engr. Dennis Agtay, Provincial Planning Officer na maliban sa mga gamot ay isa din sa benepisyo ng consignment system na magamit ang pondo ng procurement ng mga medical supplies sa iba pang mas kapaki-pakinabang na serbisyo para sa mamamayan.
Binigyang linaw din Engr. Agtay na sa ilalim ng regular procurement system ay tinutukoy ng mga hospital ang kanilang mga pangangailangan na tinutugunan ng General Service Office gamit ang general fund, ngunit sa sistemang ito aniya ay hindi naiiwasan na may mga gamot na nirereseta ang mga doktor na hindi available sa mga hospital.
Habang sa consignment system naman ay walang lalabas na pondo mula sa general fund ng hospital dahil lahat ng supply ng gamot ay magmumula sa consignors’ o mapipiling pharmaceutical company at magkakaroon pa ng share ang mga pampublikong pagamutan mula sa mapagbebentahan ng mga gamot.
Ayon pa kay Agtay, magkakaroon ng therapeutic committee ang bawat district hospital na magdedetermina ng mga pangangailangan na ilalagay sa consignment request at ibibigay sa consignment committee na mag-eevaluate ng request.
Aniya, kung anuman ang pangangailangan ng mga hospital ay palaging mayroong reserbang 50% ng mga gamot at kung ano lang ang naibawas o nagamit sa mga gamot na ito ay yun lamang ang babayaran sa mga consignors na kukunin mula sa makokolekta sa Philhealth.— Ulat ni Jovelyn Astrero