Parang pinagsukluban ng langit at lupa ang pakiramdam ni Mang Arellano Ablasa singkwenta’y siyete anyos ng Brgy Bakod Bayan Cabanatuan City ng bumagsak ang presyo ng palay.

Sa kwento niya, tila nakakasawa ng magsaka kung pagdating ng bentahan ng palay ay pahirapan pa na mabawi ang puhunan na inuutang lamang niya sa patubuan.

Para sa katulad niyang pagsasaka ang ikinabubuhay ay malaking bagay aniya na maibenta sa mas mataas na halaga ang kaniyang mga inaning palay.

Kaya’t laking tuwa ni Mang Arellano ng bilhin ng Provincial Food Council (PFC) sa halagang P14 kada kilo ang kaniyang palay. Kumpara sa P12 – P13 na bentahan ng palay sa kanilang lugar.

Halos masiraan naman ng ulo si Aling Violeta Fortanilla ng Brgy Patalac, Cabanatuan City dahil sa pangamba na hindi niya mabawi ang P30,000 na puhunan na inutang niya sa bangko sa baba ng presyuhan ngayon ng palay.

Sa isang ektarya na kaniyang buwisang sakahan ay umani si Aling Violeta ng anim na pu’t siyam na kaban.

Ayon sa kaniya, maswerte na nabili ng Provincial Food Council ng P13.30 kada kilo ang kaniyang aning palay kaysa sa umiiral na presyo na P11.50 kada kilo ng palay.

Hiling ni Aling Violeta, bukod sa pamimili sa mas mataas na presyo ay magkaroon din ng programa ang kapitolyo upang mapababa ang gastusin sa pagsasaka.

Patuloy naman ang pagpapaabot ng taos pusong pasasalamat ng mga maliliit na magsasaka na natutulungan ng naturang programa sa iba’t ibang bahagi ng probinsiya. –Ulat ni Danira Gabriel