Matapos ang itinakdang huling araw ng Substitution of Political Candidates noong November 29, 2018 ng COMELEC ay malinaw na kung sino-sinong kandidato ang magtatapat-tapat para sa darating na 2019 Midterm Elections.
Sa hanay ng lokal na partidong Unang Sigaw, ay naghain ng kandidatura sa pagka-punong lalawigan si Former Gov. Aurelio “Oyie” Umali, kapalit ang kaniyang kuya na si Gil Raymond Umali.
Makakatunggali ni Umali ang dating Mayor ng General Tinio na si Virgilio Bote.
Habang si Doc Anthony Umali ay naghain ng Certificate Of Candidacy (COC) sa pagka-bise gubernador, substitute candidate ni Peñaranda Mayor Ferdinand Abesamis.
Makakatapat ni Doc Umali si 3rd District Board Member Edward Joson.
Si Gov. Czarina ”Cherry” Umali ay kumakandidato ngayon bilang kongresista ng ikatlong distrito, kahalili ni Former Bongabon Mayor Luisito Ronquillo.
Makakalaban ni Gov. Umali si 3rd District Congw. Ria Vergara.
Pagdating naman sa Lungsod ng Cabanatuan, nagkaroon ng “Switching” sa pagitan ni Ramon “Suka” Garcia na naunang naghain ng kandidatura sa pagka-bise alkalde ay kumakandidato ngayon bilang alkalde at si Gave Calling na unang kumandidato sa pagka-mayor ay bumaba sa posisyon bilang vice mayor.
Makakaharap ni Garcia sa pagka-punong lungsod si Myca Vergara na naghain noon ng kandidatura sa pagka-bise alkalde at Independent Candidate na si Philip “Dobol P” Piccio. Habang si Calling ay makakasagupa si Mayor Jay Vergara na naghain noon ng kandidatura bilang kinatawan ng ikatlong distrito.
Ayon kay Atty. Leylann Generoso Manuel, Acting Election Supervisor ng COMELEC-Nueva Ecija, maaari pa rin ang pagpapalit ng kandidato simula ng matapos ang deadline hanggang sa mismong araw ng eleksyon kung ang naturang kandidato ay namatay o nadiskuwalipika sa isang pinal na hatol.
Paglilinaw pa nito, ang substitute candidate ay kinakailangang may kaparehong apelyido ng kandidatong kaniyang papalitan.
Inaasahan na sa ikalawang linggo ng Disyembre ilalabas ng COMELEC ang pinal na listahan ng mga kandidatong magiging laman ng balota. –Ulat ni Danira Gabriel