Naglunsad ng isang araw na talakayan tungkol sa modernisasyon sa sektor ng agrikultura ang Central Luzon State University sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija kung saan naging panauhing pandangal si Department of Agriculture Secretary William Dar.

Dinaluhan ang forum ng mahigit kumulang dalawandaang mga magsasaka, kababaihan, mga opisyal at miyembro ng mga kooperatiba, mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan, rice traders, mga indibiduwal mula sa mga pampubliko at pribadong sektor.

Sa pahayag ni Agriculture Secretary Dar, sinabi nito na nahuhuli ang Pilipinas sa produksyon sa agrikultura kung ihahambing sa ibang mga bansa sa ASEAN o Association of Southeast Asian Nations dahil hindi pa aniya nakararating ang makabagong teknolohiya sa pagsasaka, pangingisda at paghahayupan sa mga kanayunan.

Kaya hamon nito sa CLAARRDEC o Central Luzon Agriculture, Aquatic and Resources Research and Development Consortium na maging pangunahing tagapagpaganap ng inobasyon o pagbabago sa sektor ng agrikultura.

Kulelat umano ang Pilipinas pagdating sa produksyon sa agrikultura kumpara sa ibang mga bansa na kasapi ng ASEAN ayon kay Agriculture Secretary William Dar.

Nagbigay ito ng direktiba sa dalawampo at anim na mga ahensya at institusyon na miyembro ng CLAARRDEC na makipagkaisa at isali ang mga State Universities and Colleges sa mga training, capacity building of mechanization, irrigation management, seed and rice production, financial accounting at iba pa na may kaugnayan sa inclusive agri-business approach.

Sa pamamagitan aniya ng pondo ng mga ahensya ng gobyerno kagaya ng PhilMech o Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization at BFAR o Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay makaaabot at mapakikinabangan sa mga kanayunan ang mga mokabagong teknolohiya.

Ayon kay Dr. Tereso Abella, Presidente ng CLSU, inorganisa nila ang aktibidad dahil napapanahon ito ngayong lumalala ang isyu tungkol sa pangangailangan sa seguridad sa pagkain sanhi ng lumolobong populasyon.

Mahalaga umanong pag-usapan ang mga pagbabagong hatid ng modernong teknolohiya upang malaman kung paano ito makatutulong sa pag-papaunlad ng agrikultura sa hinaharap.- ulat ni Clariza de Guzman