Itinampok sa kauna-unahang Teaching and Learning Expo ng Department of Education-Nueva Ecija Division ang best learning materials sa iba’t ibang asignatura na ginamit ng mga pampublikong paaralan mula elementarya hanggang sekondarya sa first quarter ng school year 2019-2020.

Pinili mula sa walong daang pampublikong paaralan ng Elementarya, Senior at Junior High School sa buong dibisyon ng Nueva Ecija ang maituturing na “best” output ng mga mag-aaral at mga guro simula sa buwan ng Hunyo hanggang Agosto.

Sa panayam kay Dr. Jayne Garcia, Chief ng Curriculum Implementation Division ng DepEd, layunin ng tatlong araw na exhibit na ginanap sa SM Cabanatuan City noong September 4 hanggang 6, na mahikayat ang lahat ng mga eskwelahan na magsagawa nito quarterly upang maipakita sa mga magulang ang mga best output ng kanilang mga anak.

Dagdag ni Garcia, nais ng Curriculum Implementation Division ng DepEd na ang lahat ng mga kabataang mag-aaral ay maging mahusay at magaling sa lahat ng bagay.

Kabilang sa mga napiling best learning and teaching material ang costume ng mga karakter sa mythology o alamat ng mga diyos-diyosan na gawa ng Zaragoza National High School.

Ayon kina Rodan Domingo, Teacher III at Xyrille Dela Cruz, volunteer teacher sa naturang paaralan, idinaan nila sa pageant ang pagpapakilala sa mga gods at goddesses sa kanilang mga mag-aaral upang mas maramdaman at malaman nila ang kahalagahan at mga aral na hatid ng pag-aaral ng Greek Mythology sa kanilang buhay.

Isang Action Research naman ang ginamit ng Nueva Ecija Senior High School sa kanilang mga estudyante na habang nagbabasa at nagsusulat sa kanilang English class ay nakikinig sa classical music na may 60 to 80 beat per minute.

Ibinida naman ni Rochelle Galang, Teacher III ng Cabiao National High School ang mga learner’s at teacher’s output mula sa photojournalism, featured articles, cartooning, module for journalism at iba pa.

Dumalo din sa naturang exhibit si Ronaldo Pozon, Schools Division Superintendent ng DepEd-NE, at inisa-isang binisita ang labing dalawang booth.— Ulat ni Jovelyn Astrero