Binigyang-pugay ng pamahalaang bayan ng San Isidro ang mga bayaning Novo Ecijano na mula sa kanilang bayan sa ika- 123 taong pagdiriwang ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija.
Pinangunahan ni Mayor Vina E. Lopez ang pag-aalay ng mga bulaklak sa mga bayani ng San Isidro na nagbuwis ng kanilang buhay laban sa mga dayuhang Kastila.
Ilan lamang sa 80 bayaning nakipaglaban para sa kalayaan ay sina Ricardo Ruiz, Leonardo Clarin, Cesario Lopez Sr., Pedro Espidol, Pablo Cabiedes, at Bonifacio Casares Sr.
Nakiisa sa nasabing okasyon ang pangalawang punong bayan Vice Mayor Florentino Tinio, Sangguniang Bayan Members, LGU Department Heads, Liga ng mga Barangay, mga punong guro, veterans/ senior citizens, PNP, BFP at Board Member Nap Interior bilang kinatawan nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali.
Nagbigay pugay rin para sa kanilang natatanging bilang ang mga mag-aaral ng General De Jesus College, Sayaw Eskwela Dance Group ng T.A. Dionisio National Highschool, Indayog Dance Group ng Pulo National Highschool, Calaba National Highschool, Holy Rosary College Foundation at NEUST San Isidro Campus Chorale.
Bahagi rin ng kanilang pagdiriwang ang pagbabasbas ng 9 na sasakyang patrol na ibinigay sa mga barangay ng Malapit, Poblacion, Pulo, Mangga, Tabon, Alua, Sto Cristo, San Roque, at Calaba sa pangunguna ni Rev. Fr. Raymond Gaspar.
Kasabay ang pagpapasinaya ng palatandaan o landmark ng bayan na “Magkaisa para sa bayan, I love San Isidro.”
Lubos ang kasiyahan at pasasalamat ng mga Kapitan sa ipinamahaging Barangay Patrol Vehicles na kanilang gagamitin sa pagtugon ng mga problema sa barangay.
Una na rito ay nagdaos ng misa na taunang isinasagawa sa St. Isidore Parish Church bilang paggunita sa selebrasyon ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija.- Ulat ni Shane Tolentino