Tinalakay sa 1st International Conference ang mga epektibong hakbang na ginawa ng ilang bansa sa Asya na maaaring gayahin ng Pilipinas upang mas mapalago ang industriya ng pagkakalabaw sa bansa, na ginanap sa Philippine Carabao Center(PCC), Science City of Munoz.
Ang naturang pagpupulong ay inorganisa ng PCC at SouthEast Asian Regional Center for graduate studies and research in Agriculture (SEARCA).
Layunin na maisulong ang industriya ng pagkakalabaw upang matiyak ang sapat at murang pagkain para sa lahat bukod pa sa mapalago ang paghahanapbuhay ng mga magsasaka nito sa Pilipinas sa tulong ng iba pang mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (asean).
Ayon kay Arnel Del Barrio Executive Director ng PCC, maituturing na napag-i-iwanan ang Pilipinas pagdating sa pagnenegosyo ng kalabaw, kung ikukumpara sa mga iba pang bansa sa asya partikular na sa India.
Inilahad ng mga deligado mula sa bansang India, Thailand at Laos ang kanilang mga teknolohiyang kaalaman at magandang kasanayan sa pag-aalaga ng mga kalabaw bilang mga nangungunang lugar pagdating sa naturang industriya.
Sa payo ni Avnish Kumar Principal Scientist ng National Bureau of Animal Genetic Resources (NBAGR) ng India at isa sa speakers, dapat ng simulan ang pag-hi-high breed ng Pilipinas upang mas mapaunlad ang produksyon nito.
Umaasa ang PCC na sa pamamagitan ng ganitong aktibidad ay unti-unting a-angat ang industriya ng pagkakalabaw ng bansa sa Asya. – Ulat ni Danira Gabriel