Nagsimula nang umere sa DWNE 900 Kilo Hertz am kahapon August 28, 2019 ang “Usapang Malasakit sa Lipunan” ni Governor Aurelio Matias Umali kasama si Provincial Administrator Alejandro Abesamis at iba pang hepe ng mga departamento sa Provincial Capitol.

Layunin nito na maipaabot sa mga Novo Ecijano ang mga programa at proyekto ng pamahalaang panlalawigan at mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na makilahok sa talakayan patungkol dito sa pamamagitan ng mga text messages.

Kabilang sa mga tinalakay ay ang nakatakdang pamimili ng palay ng pamahalaang panlalawigan sa mga pinakamahihirap na magsasaka sa probinsya, kung saan ipinaliwanag ni Governor Umali ang proseso ng validation o evaluation sa mga karapat-dapat na magsasaka na mauunang makinabang dito.

Aniya, sa pamamagitan ng mga questionnaire at interview ng mga miyembro ng council ay tutukuyin at susuriing mabuti kung sila ba ay dapat na mapabilang sa unang batch ng bibilhan ng palay na magsisimula sa Oktubre.

Hinikayat ni Umali ang mga malilit na magsasaka na magtext sa himpilan ng DWNE sa mga numerong 0956-815-6494 at 0918-335-9910 upang magpavalidate sa kapitolyo, kung saan dapat lamang itext ang kanilang pangalan at address upang personal na bisitahin at i-evaluate ng council.

Sinabi ng Gobernador na uunahin muna nilang ivalidate ang mga magsasakang mayroong isang ektarya pababa na binubukid.

Isa sa naging katanungan ng mga tagapakinig ay kung ilang kaban ng palay ang bibilhin ng Kapitolyo mula sa isang ektaryang bukirin, na sinagot naman ng gobernador na lahat ng aning palay na nais ibenta ng mga papasa sa evaluation ay kanilang bibilhin.

Irrigated lang ba ang bibilhan ng palay ng pamahalaang panlalawigan? Ito ang isa pa sa tanong ng mga tagapakinig, na binigyang linaw ng ama ng lalawigan na irrigated man o sahod ulan basta pasok sa criteria o validation ay bibilhin nila ang palay.

Bibilhin ng provincial government ang sariwang palay o yung kaaaning palay pa lamang mula sa bukid sa halagang 15 pesos kada kilo.

Mula din sa isang tagapakinig ang katanungan kay Umali patungkol sa diumanoy pagtatanggal sa kanya ng Ombudsman sa posisyon bilang gobernador, na diretsahan nitong sinagot.

Sinabi nito na siya pa rin ang nananatiling gobernador ng Nueva Ecija at hiniling nito sa kanyang mga political detractors na sana’y respetuhin ang proseso ng batas at igalang ang katotohanan na siya ang inihalal ng kanyang mga kababayan.

Kabilang din sa tinalakay kahapon ang pagtatakda sa April 25 bilang kaarawan ng lalawigan at hihilingin umano kay Pangulong Rodrigo Duterte na maipagdiwang ito taun-taon maliban pa sa September 2 na ipinagdiriwang bilang Araw ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija.— Ulat ni Jovelyn Astrero