Tinuruan ng Central Luzon Media Association (CLMA) Nueva Ecija-SOLID ang mga lider na kabataan na maging responsableng mamahayag sa pamamagitan ng social media sa panahon ng sakuna sa isinagawang Gender-Responsive Citizen Journalism and Leadership Values for Disaster Awareness Seminar-Workshop na ginanap sa College for Research and Technology (CRT) noong August 23, 2019.

Tinalakay ni Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) Executive Vice President Dr. Honorato Panahon ang pagkakaroon ng mabuting asal ng isang magaling lider.

Nagsilbing tagapagsalita naman si National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) Regional Communications Lead Specialist Ernest Vidal ukol sa Power 101.

Habang ipinaliwanag naman ni CLMA-SOLID Nueva Ecija President Sonia Capio ang pagkakaroon ng gender sensitivity  at mga isyung bumabalot sa mga kabilang sa Lesbian Gay Bisexual Transgender Queer (LGBTQ).

Ayon kay Capio, respeto sa isa’t-isa ang susi sa mapayapang pagkakaiba ng bawat tao.

Layunin aniya ng seminar na maipaalam sa mga kabataan ang kahalagahan ng kanilang mga tungkuling ginagampanan sa lipunan bilang mga pagasa ng bayan.

Ang naturang aktibidad ay dinaluhan ng limampung senior highschools students ng CRT at Nueva Ecija High School (NEHS).

Pasasalamat naman ang naging tugon ng CRT sa pagkakataon na ibinihagi sa kanilang mga estudyante lalong higit sa paksang gender equality na isa rin sa kanilang sinusuportahan sa loob ng eskwelahan.

Ayon kay CRT Director for Student Services Mikee Mobo, sinisiguro nila na naipatutupad ang karapatan ng bawat isa sa loob ng eskwelahan. Sa katunayan ay naglaan ang eskwelahan ng isang rest room para sa mga miyembro ng LGBTQ.

Sa September 6, nakatakdang magsagawa ng kaparehong seminar ang CLMA sa panibagong grupo ng mga estudyante na gaganapin sa MV Gallego Foundation Colleges. –Ulat ni Danira Gabriel