
Mahigit sa tatlong daang Siklista ang lumahok sa Sikad Novo Ecijano 2019 o ang taunang cycling event ng Provincial Government sa pangunguna nina Governor Aurelio “Oyie” Matias Umali at Vice Governor Emmanuel Anthony Umali.

Limang kategorya ang pinaglaban-labanan ng mahigit 300 siklista na mula sa ibat ibang lugar ng lalawigan.
Kabilang sa mga kategorya ay para sa Senior, Junior, Amateur, Master A at Master B na mga siklista.
Umabot sa 73 kilometers ang itinakbo ng senior at junior category, 122 kilometers para sa amateur at para naman sa Master A at Master B ay mayroong 129 kilometers na nagsimula sa New Capitol Palayan City at nagtapos sa Freedom Park Cabanatuan City.
Wagi sa junior category ang isang 19 years old na si Christian Timbang mula sa Cabanatuan City na tumanggap ng tropeyo at Php. 10, 000 cash prize.
Ayon kay Timbang, mainam sa kalusugan ang pagsali sa kompetisyon dahil malaki ang naitutulong nito sa mga may sakit.
Nakuha naman ni Joseph Dexter Abello mula sa bayan ng San Leonardo ang 1st place sa Amateur category na nag-uwi rin ng tropeyo at Php 15,000 cash prize.
Panalo sa Master A Category si Angelo Bryant Licup ng Cabanatuan City at nakuha naman ni Dean Pinile mula sa Lupao ang first place sa Master B na kapwa tumanggap ng cash prize at tropeyo.
Sa Senior Category ay nasungkit ni Rodrigo Catalan Sr. mula sa Muñoz ang 1st place na nakapag-uwi ng Php 10, 000 cash prize.
Pinarangalan din ang pinakabatang sumali sa kompetisyon na may edad 10 at pinakamatandang siklistang lumahok na si Fernand Vallente, 84 years old mula sa San Jose City na nakatanggap ng tig-isang libong piso.
Sinabi ni Vallente na malaking tulong ang pagbibisekleta sa kanyang buhay dahil nagbibigay lakas umano ito sa kanyang pangangatawan.
Nakakuha din ng consolation prize worth of 400 pesos ang lahat ng finisher sa naturang patimpalak.– Ulat ni Joice Vigilia/ Shane Tolentino