Mahigit dalawang libong partisipante na binubuo ng mga magsasaka, estudyante, extension workers, at mga researchers na magmumula pa sa iba’t ibang rehiyon ang dumalo sa isang linggong taunang Lakbay Palay ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice sa Lungsod Agham ng Munoz.
Sa aming panayam kay Sailila Abdula, Acting Executive director ng PhilRice mula taong 2016, aniya ang mga bagong barayti, future farm, makinarya at mga makabagong teknolohiya ang tampok sa Lakbay Palay ngayong taon.
Ito ay ipapakilala sa bawat Rehiyon na angkop sa pag-aagrikultura na mas madaling matutunan kumpara sa mga barayti noon na una ng inilunsad.
Dagdag pa ni Abdula, nais nilang maipamulat sa mga magsasaka na pag-aralan ang mga makabagong teknolohiya kagaya ng transplanter, combined harvester at ang post harvest processing upang madagdagan ang kita ng mga ito.
Tuturuan aniya ng PhilRice kung paano gumawa ng kanilang sariling binhi kaysa bumili. Maari silang magprodyus ng sarili nilang binhi para sa susunod na panahon ng pagtatanim.
Nagpaabot pa ng mensahe ang Direktor na ipagpalagay na ito ay isang pagkakataong makakuha ng mga impormasyon na angkop sa pagsasaka. Huwag mag-atubiling bisitahin ang PhilRice at magtanong lalo higit patungkol sa korapsyon.
Ayon naman kay Rolando San Gabriel, magsasaka sa Barangay Maligaya ng Munoz. Aniya, isa sa nakikitang problema ng mga magsasaka ngayon ay kulang sa kaalaman patungkol sa mga binhi na naangkop sa kani-kanilang lugar.
Dagdag pa niya, malaking bagay sa mga magsasaka ang mga makabagong teknolohiya sapagkat napapabilis nito ang paghahanda lalo na sa land preparation, pagtatanim, at iba pang gawain sa bukid.
Layunin nito ay upang makita ng mga magsasaka ang iba’t ibang teknolohiya na binuo hindi lamang ng PhilRice bagkus iba pang Research Institution na may hangaring makatulong na madagdagan ang kita at kaalaman ng mga magsasaka.
Ang Lakbay Palay ay ginaganap dalawang beses sa isang taon, ito ay sa panahon ng Tag-tuyo o dry season at tag-ulan o wet season, ito ay ilang araw na pag-aaral ng mga magsasaka, at pagtatampok sa mga makabagong teknolohiya ng pagtatanim hanggang sa lawak na saklaw nito.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran