Sa aming panayam sa telepono kay PDAO Chief Ariel Sta. Ana ay sinabi nito na napapanahon na upang bigyang SULYAP ang mga Persons with Disability o mga taong may kapansanan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng permanenteng tanggapan para sa kanila sa bawat Munisipalidad at Lungsod sa probinsya sa mandato ng RA 10070.

Aniya, ang salitang SULYAP ay nangangahulugan na dapat ay siguraduhin na maipapatupad ang mga programa at serbisyo para sa mga may kapansanan, unahin ang mga PWD sa kanilang mga pangagailangan lalo na sa pagkakaroon ng accessibility sa ilalim ng RA 344 upang matulungang makakilos ang mga may kapansanan, lingapin ang kanilang mga kakayanan na hindi naipapamalas dahil sa kakulangan ng suporta at yakapin at agapayanan sila sa pag-abot sa kanilang mga pangarap.

Sa pamamagitan aniya ng pagkakaroon ng sariling opisina ng mga PWD ay magkakaroon na ng direktang tututok sa mga pangangailangan ng mga ito at titiyak na maisasakatuparan ang mga programa at serbisyo para sa kanila.

Mahalaga din daw na maunawaan at mabigyan sila ng kamalayan patungkol sa kanilang mga karapatan sa ilalim ng iba’t ibang batas na naipasa para sa kanila.

Maliban sa mga nabanggit na batas mayroon ding Republic Act 10542 o ang Expanding Position Reserved for PWDs kung saan nakasaad dito na dapat ay may 1% position ang mga may kapansanan sa mga pampubliko at pribadong mga opisina.

Ayon pa kay Sta. Ana, taong 2010 pa nang pirmahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang RA 10070 na nagkaroon ng pagkaantala sa implementasyon dahil sa hindi pa rin tiyak ang panggagalingan ng pondo para dito.

Kung sakaling maisakatuparan na ang pagbuo ng sarili nilang opisina sa bawat bayan at lungsod ay maseserbisyuhan nito ang 12, 886 na mga may kapansanan sa probinsya, bagaman ito ay base pa lamang sa kanilang datos noong 2018 ay marami pa rin umano ang mga PWD na nananatiling takot makilahok sa ganitong klase ng mga aktibidad dahil sa pinanghihinaan sila ng loob.— Ulat ni Jovelyn Astrero