Dinaluhan ng higit dalawang libong partisipante ang kauna-unahang Nutri Run 2019 ng bayan ng Talavera bilang bahagi ng Nutrition Month Celebration taun taon.
Ito ay kinabibilangan ng mga Local Government Unit Personnel, Zumba goers/lovers, iba’t ibang departamento, at pribadong sektor katuwang ang DepEd at Non-Governmental Organization sa bayan ng Talavera.
Eksaktong alas singko bente singko ng madaling araw nagsimula ang programa kung saan sabay sabay na tumakbo ang mga partisipante sa kani-kanilang piling mga kategorya na sinumulan sa Bypass-Road ng Brgy. La Torre.

Ayon kay Arjhay Bernardo, Organizer ng Nutri Run 2019, at kasalukuyang Nutrition Officer 1 ng Municipal Health Office, isa aniya itong fund raising activity na naglalayong makapagpundar ng dalawang ‘Mobile Kitchen/Nutri Wheel’ na iikot sa lahat ng Barangay at magpapakain ng masusutansiyang pagkain sa mga ‘over weight at under weight’ o malnourished na mga bata sa bayan ng Talavera.
Dagdag pa nito, makakatanggap naman ng regalo na 45 inches flat screen Tv ang 1st placer, washing machine naman sa 2nd placer at microwave ang 3rd placer mula sa male and female category na sumali sa nutri run bukod pa sa cash at 97 consolation prizes.
Natuwa naman ang ina ng Talavera na si Mayor Nerivi Santos Martinez sa naging resulta at bugso ng mga taong nakilahok sa makabuluhang programa ng Pamahalaang Bayan bilang kinilala ang Talavera na kampeon sa buong Pilipinas pagdating sa mga programang pang -nutrisyon.
Hiling naman ni Joana Marie Panahon, Nurse 1 ng Municipal Health Office na sana ay maulit ito sa kanilang bayan dahil ramdam na ramdam umano niya ang pakikiisa ng mga mamamayan ng Talavera para sa iisang mithiin sa kanilalang kumonidad.
Matapos ang ilang oras na takbuhan, muling nag ipon-ipon ang mga kalahok para makizumba at makiparty. Hinataw naman ni Joshua Zamora ng Maneuvers ang Dance Floor na lalo pang nagpasigla at nagpaindak sa mga mamamayan ng Talavera, bilang naimbitahang guest celebrity ng naturang event.

Iikot naman ang Municipal Nutrition Action Officer sa mga barangay upang magsagawa ng feeding program at mother’s class para sa mga ina nababahagian ng booklets at tuturuan sa tamang pangangalaga para masigurong malusog at masigla ang kanilang mga supling.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran