Ibinahagi ni Princess Parungao ang kanyang mga hirap na dinanas sa buhay bago maging isang matagumpay na guro sa elementarya sa programang Count Your Blessings nina Former Congresswoman Czarina “Cherry” Domingo Umali at Dra. Kit De Guzman.
Pinag-usapan nina Dra. De Guzman at guest co-host na si Joy Senados sa episode ng Count Your Blessings nitong sabado ang naging takbo ng buhay ni Princess na maagang bumuo ng sariling pamilya sa edad na disi-nueve.
Dahil nawalay sa kanilang ama sa edad na trese anyos sa hindi nito malamang dahilan ay pilit silang itinaguyod ng kanyang ina sa paglalabandera, ngunit dahil sa kasalatan ay makailang ulit siyang huminto sa pag-aaral sa Sekondarya.
Nang makapagtapos ng High School sa edad na 19 years old ay napag-alaman nitong nagdadalang tao siya, ngunit nagkaroon ng miscarriage nang 5 buwan na ang tiyan nito.
Dito niya mas nakilala at sa pagkakataong ito siya mas naging malapit sa Diyos, kaya naman magmula nang ilapit niya ang kanyang sarili sa Panginoon ay sunod-sunod na rin ang blessings na dumating sa kanyang buhay.
Ilang ulit man siyang natigil sa pag-aaral, nadapa sa buhay ngunit bumangon sa tulong ng mga taong ginawang instrumento ng Maykapal ay unti-unti niyang naabot ang kanyang pangarap sa buhay.— Ulat ni Jovelyn Astrero