Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan sa unang pagbasa ang hinihiling na pondo ni Former Governor Cherry Umali para sa instilasyon ng transformer sa bubuksang Drug Rehab Center sa Brgy. Ganaderia, Palayan City.

Ang hinihinging pondo ay naunang inilipat muna sa pag-aaral ng Committee on Finance, Budget and Appropriation at Committee on Laws, Rules and Regulations ngunit kalaunan ay iminungkahi ni Vice Governor Emmanuel Antonio Umali na aprubahan na ang naturang panukala.

Ayon kay Vice Governor Emmanuel Antonio Umali, nakikita niya na kinakailangan na maaprubahan agad ang nasabing appropriation ordinance dahil makakaantala sa operasyon ng drug rehab ang hindi pagkakakabit agad ng transformer para sa pagpapalagay ng linya ng kuryente sa pasilidad.

Ipinatawag naman sa sesyon si Provincial Budget Officer Randolph Alingig upang linawin ang panggagalingan ng pondong gagamitin para sa pagpapakabit ng transformer.

Paliwanag ni Alingig manggagaling sa Calendar Year 2017 20% Development Fund na nakalaan sa Establishment/Construction of Health Center for the Treatment and Rehabilitation of Drug Dependents sa ilalim ng Signed Development and Buildings and Other Structures ang pondo na nagkakahalaga ng kabuuang P741, 800.

Samantala, bukod sa pag-apruba ng pondo sa pagpapa-instila ng transformer ay inaksyunan din sa 2nd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang pagbibigay ng kapangyarihan kay Governor Aurelio Umali para gumawa, pumirma at magbigay bilang kinatawan ng Provincial Government ng mga deed of absolute sale ng mga lupang pag-aari at ibinebenta ng Pamahalaang Panlalawigan sa 525th Engineers Village, Camp Tinio, Cabanatuan City.

Ayon kay Atty. Olive Joy Manuel-Cornejo, Officer-in-Charge ng Provincial Assessor’s Office, dahil sa pagpapalit ng administrasyon kaya humingi ulit ng awtoridad ang gobernador sa Sangguniang Panlalawigan para sa pagpapamahagi ng mga titulo ng lupa.

Sa kabuuan ay may animnaput pitong lote ang Pamahalaang Panlalawigan na ipinagbibili, apatnaput apat rito ang hindi pa nababayaran, labing siyam ang fully paid na at naibigay na ang titulo at may tatlong pang nakabayad na ng buo pero hindi pa naibibigay ang titulo dahil kinakailangan pa ang pirma ng gobernador. –Ulat ni Jessa Dizon