Nagtipon-tipon noong nakaraang Miyerkules ang mga Sports Coordinator sa Auditorium, Old Capitol Building na pinangunahan ng mga komite ng Sports and Youth Development Services Office ng pamahalaang panlalawigan.

1st meeting ng mga Sports Coordinator ng mga kolehiyo at unibersidad sa lalawigan ng Nueva Ecija para sa Nueva Ecija Collegiate Sports League Season 8

Tinalakay dito  ang mga dapat na ipasang requirements para sa screening ng mga atletang gustong makiisa sa NECSL Season 8 ngayong taon.

Katulad ng pagpapasa ng formal letter of intent na may pirma ng University or College President at School Director at naka addressed kay Governor Aurelio M. Umali. Kailangan din na ang isang manlalaro ay may edad na 17 hanggang 25 anyos.

Mayroong at least 12 units na naka-enrol na subject ngayong semester sa eskwelahan na pinapasukan para sa mga 1st year college. Kung sakaling ang isang atleta ay second courser, magbibigay ito ng orihinal na kopya ng Form 137 o Form 138 at one year residency naman kapag ito ay isang transferee.

Bukod dito, kailangan ding magpasa ng certificate of grades, medical clearance, original copy ng birth certificate, 2×2 id picture at entry form na manggagaling sa Sports.

Pahayag ni Galo Limos Sports Committee ng NECSL,layon ng palarong ito na maipakita ng mga kabataang Novo Ecijano ang kani – kanilang angking galing sa paglalaro.

Dagdag pa ni Limos na mainam ito para sa mga atletang mag – aaral dahil maiiwas sila sa masasamang bisyo.

11 eskwelahan ang posibleng sasali ngayong taon kabilang ang Nueva Ecija University of Science and Technology, Good Samaritan College, Core Gateway College Incorporated, Wesleyan University-Philippines, MV Gallego Foundation College, Midway Maritime Foundation Incorporated, Our Lady of the Sacred Heart College of Guimba Incorporated, ELJ Memorial College, Our Lady of Fatima University, College of Research and Technology at College of Immaculate Concepcion. 

Isa sa mga bagong aabangan na koponan ang eskwelahan ng Core Gateway College Incorporated sa San Jose City sa nalalapit na NECSL Season 8 na hindi magpapasindak kahit maliit lamang ang populasyon ng kanilang paaralan.

Ayon kay Jeff Anthony Vergel, Sports Coordinator ng naturang eskwelahan, ito ang kanilang kauna-unahang pagsali sa paliga at masaya sila dahil muling mabibigyan ng pagkakataon ang kanilang  eskwelahan at mag – aaral na magshine ulit.

Matatandaan noong nakaraang season ay pinagharian ng CLSU Green Cobras ng Men’s Volleyball at NEUST Phoenix ng Women’s Volleyball na nagluklok sa dalawang koponan bilang mga Grand Slam Winners. At nabawi naman ng NEUST Phoenix ang kampeonato sa Men’s Basketball noong Season 7 kontra WUP Riders.

Nakatakda naman ang susunod na pagpupulong sa August 9 alas otso ng umaga sa Auditorium ng Old Capitol Building kasabay ng pagpapasa ng mga nabanggit na requirements at mga listahan ng pangalan ng mga manlalaro. Ulat ni Shane Tolentino/ Joice Vigilia