Hinikayat ni Major General Lenard Agustin ng 7th Infantry Division Kaugnay ng Philippine Army ang mga mamamahayag ng Central Luzon na tumulong sa kampanya upang magbalik- loob ang mga rebelde sa pamahalaan.

Sa isinagawang press briefing, inihayag ni Major General Agustin na kailangan nila ang suporta ng media upang maipaabot ang kanilang layunin na kumbinsihin ang mga makakaliwa na muling magtiwala sa gobyerno.

Paliwanag ni Agustin dahil sa lawak ng kanilang nasasakupan ay aminado siya na malaking hamon para sa kanila ang laban kontra insurhensya o pag-aaklas kaya naman hinihingi nila ang tulong ng iba’t ibang ahensya partikular ng Philippine National Police gayundin ng mga mamamayan sa mga komunidad.

Patuloy aniya ang kanilang kampanya sa pagsugpo sa terrorismo alinsunod sa ibinabang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte o ang Executive Order Number 70.

Isa sa mga hakbang sa pagpapatupad nito ang pagdedeklara ng mga lokal na pamahalaan ng “persona non grata” sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Matapos ang press briefing ay masayang nagpakuha ng larawan si MGen. Lenard Agustin sa mga mamamahayag kasama ng iba pang opisyal ng Philippine Army.

Malaking tulong ani Lieutenant Colonel Ulysis Laude, Acting Chief of Staff for Civil Military Operations sa kanilang parte kapag inayawan sa isang lugar ang mga NPA dahil nadedemoralisa ang mga ito kaya posibleng magresulta ito sa kanilang pagsuko.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay umaabot na sa 219 ang nagpahayag na ipinagbabawal sa kanilang lugar ang CPP-NPA-NDF, kabilang ang buong Region 1, apat na mga probinsya ng Abra, Zambales, Ilocos Sur at Ilocos Norte, limampo’t isang lungsod at 112 na munisipalidad sa buong Pilipinas.

Masakit umano sa panig ng mga sundalo kapag nakakapatay sila ng kapwa Filipino ngunit dahil atas ng kanilang tungkulin ay kailangan nila itong gawin upang mapanatili ang kapayapaan at maisulong ang pag-unlad ng ating bansa.

Nangako din ang commander ng 7th ID na ipagkakaloob nila sa mga susukong rebelde ang karampatang mga benepisyo.

At magsisilbi aniya silang tulay upang maiparating at matugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mamamayan sa mga komunidad na may pag-aaklas.- ulat ni Clariza de Guzman