Napaluha sa saya ang distressed OFW na si Andhrea Bautista,  trenta’y otso anyos, residente ng Science City of Muñoz, Nueva Ecija matapos makabalik sa Pilipinas mula sa mahigit isang buwan pagtatarabaho bilang domestic helper sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sa kwento ni Andhrea, May 13, nang umalis siya sa Pilipinas upang mamasukan sa ibang bansa sa kagustuhang makatulong sa kaniyang asawa at mabuhay ang apat nilang anak.

Ngunit, kadarating pa lamang umano niya ay pinagbintangan na agad siya ng kaniyang mga amo na nakasira ng gamit.

Habang noong minsan ay pinagbintangan naman siya ang nagkulong sa anak ng kaniyang amo sa loob ng C.R. binatak umano siya papasok dito ngunit nanlaban siya upang ipagtanggol ang sarili.

Lalo pa siyang na trauma nang muntukin ng mapaginteresan ng kaniyang lalaking amo.

Mula noon ay lalong sumidhi ang kaniyang pagnanais na bumalik ng Pilipinas pero ayaw siyang payagan ng mga amo at tinakot na babayaran ang lahat ng ginastos sa agency.

Aniya, humingi rin siya ng tulong sa Al-Amri Office for Manpower Recruitment Agency pero mabagal ang proseso nito.

Hanggang ang kaniyang asawa na ang gumawa ng paraan dito sa Pilipinas at dumulog sa Malasakit OFW Help Desk ng Provincial Government.

Matapos ang limang araw ay agarang nabigyan ng plane ticket pabalik si Andhrea at nitong July 11 ay tuluyan na siyang nakauwi sa bansa.

Sa sobrang kagalakan ni Andhrea ay pinili nitong dumiretso sa opisina ng help desk upang personal na mapasalamatan ang mga tumulong sa kaniya.

Ayon kay Provincial Public Employment Service Officer (PESO) Maria Luisa Pangilinan, posibleng makatanggap si Andhrea ng livelihood assistance mula sa Overseas Workers Welfare Administartion (OWWA) at Department of Labor and Employment (DOLE). Bukod pa sa financial assistance na ipagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan bilang tulong pangkabuhayan.

Ang Malasakit OFW Help Desk ay itinatag ni Former Gov. Cherry Umali na ipinagpapatuloy ni Gov. Oyie Umali upang matulungan ang mga Novo Ecijanong hindi pinalad sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Para sa mga nangangailangan ng tulong tumawag o magtxt sa 0915-871-9407 o magtungo sa kanilang tanggapan  sa Old Capitol, Cabanatuan City. –Ulat ni Danira Gabriel