Pinarangalan ang Bayan ng Cuyapo bilang isa sa “Natatanging Bayan” sa ginanap na Rice Achievers Awards 2018 noong May 30, 2019.

Ang parangal ay bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng bayan sa pagpapalawig at pagpapataas ng produksyon ng palay sa buong bansa, na siyang nagbubunsod ng kasapatan sa bigas ng mga mamamayan at pag-angat sa kabuhayan ng mga magsasaka ng palay sa kanayunan.

Maliban sa plake ay nakatanggap din ng isang milyong piso ang naturang bayan.

Ayon sa panayam kay Mayor Florida Paguio Esteban sa telepono, tutukuyin pa ng kanilang Municipal Agriculturist kung saan nararapat na ilaan ang pondong kanilang nakuha na tutugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ang naturang bayan ng ganitong award sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Esteban.

Dagdag ni Esteban, ilan sa mga criteria kung bakit sila nabigyan ng pagkilala ay dahil sa pagtaas ng produksyon ng palay sa kanilang bayan at kung gaanong sinusuportahan ng kanilang lokal na Pamahalaan ang kanilang mga magsasaka, tulad ng mga proyektong farm to market road at pagbibigay ng subsidiya sa mga binhi.

Aniya, isa sa mga nakatulong sa pagtaas ng ani ng kanilang mga magsasaka ay ang pagkakaroon ng irigasyon sa kanilang lugar, na kung dati ay isang beses lamang sila nakapagtatanim na umaani ng 80 hanggang 120 kaban ng palay kada ektarya ngayon ay dalawang beses na.

Kasabay ng parangal sa Bayan ng Cuyapo ay nabigyang pagkilala rin ang Buted Water Impounding Irrigators Association, Inc. sa bayan ng Talugtug bilang “Natatanging Small Water Irrigation System Association 2018”, dahil sa kanilang malaking kontribusyon sa pagpapanatili ng mataas na produksyon ng palay.

Nakatanggap din sila ng tseke na nagkakahalaga ng limang daang libong piso.

Samantala, apat na milyong piso naman ang ipinagkaloob sa Lalawigan ng Nueva Ecija na sa ika-anim na pagkakataon ay nabigyang pagkilala rin dahil sa patuloy na pagtaas ng produksyon ng palay ng probinsya.— Ulat ni Jovelyn Astrero