Sulit ang naging paghihintay ng mga manonood sa labing walong nagagandahang kandidata ng Miss Filipinas Heritage 2015 na ginanap sa Convention Center sa lungsod ng Palayan.
Tila maluha-luha pa ang ilonggang si Maria Daziella Gange nang tanggapin ang kaniyang korona bilang Miss Filipinas Heritage 2015.
Lutang na lutang ang kagandahan ni Gange maging ang iba pang candidates sa bawat kasuotang kanilang inirampa gaya ng creative attire, Filipiniana Dress at long gown na pawang mga disenyo ng fashion designer na si Gem Carlos mula sa Gapan City.
Ayon sa event organizer na si Vera Borromeo, kumpiyansa siyang malaki ang pag-asa ng Pilipinas na maiuwing muli ang korona ng Miss Heritage 2015.
Nakikita niya aniya na kayang ipakita ni Gange ang tunay na ganda at puso ng totoong Filipina partikular ang pagmamahal nito sa mga heritage site at kultura nating mga Pinoy.
Hindi rin naitago ni Miss Heritage 2014 Odessa Mae Tadaya ang paghanga sa mga kanidata ngayong taon lalong higit kay Gange na siyang bagong magrerepresent sa bansa sa South Africa sa darating na Nobyembre 15, 2015.
Samantala, bukod kay Gange nag-uwi rin ng korona ang pambato ng Ilo-ilo na si Jay Roxanne Divinagracia bilang Miss Filipinas Culture, Miss Filipinas Luzon ang kandidata mula sa Tayug, Pangasinan na si Roschelle Andrea Ciencia, tinanghal bilang Miss Filipinas Visayas ang Cabanatueñang si Chrischelle Marañon habang Miss Filipinas Mindanao naman si Ricalyn Ponce mula sa probinsya ng Aurora.Ulat ni MARY JOY PEREZ