Wala pa umanong dahilan upang mag-importa ng bigas ang bansa dahil kasalukuyan pang umaani ang mga magsasaka, ito ang pahayag ni Department of Agrculture Secretary Manny Piñol sa isang panayam sa ginanap na Grand Harvest Festival of SL Agritech Corporation.

Ayon kay Sec. Piñol, umabot sa 210,000 metric tons ang ani ng Pilipinas sa first quarter ng taon, mas mataas kumpara noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.

Dagdag nito, mula sa 3.9 metric tons per hectare per harvest ay tumaas ito sa 4.15 metric tons, kaya wala pa aniyang pangangailangan sa importasyon ng bigas.

Kapag natapos ang anihan at nakitang hindi sapat ang lokal na supplay ng bigas ay tsaka pa lamang aniya mag-iimporta ng bigas ang bansa.

Sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang pagtitipon, binanggit nito ang isang babaeng Undersecretary na sinibak nito sa pwesto dahil sa isyu ng importasyon ng bigas.

Ayon sa Pangulo, ipinatigil nito ang nakatakda sanang importasyon ng bigas na umaabot sa 250,000 metric tons na kokompetensya sa lokal na produkto ng Pilipinas.

Kinumpirma at pinangalanan naman ito ni Sec. Piñol at sinabing si Undersecretary Halmen Valdez mula sa Office of the Cabinet Secretary, ang tinutukoy ng Pangulo. –Ulat ni Jovelyn Astrero