Isa si Hannah Parong sa mga Kabataan na dumalo sa Ikatlong taon ng Pistang Halaman 2019 ng NECSE o Nueva Ecija Cactus and Succulent Enthusiasts noong Sabado June 1, 2019 sa Freedom Park, Cabanatuan City.
Ayon sa kaniya, nagsisimula pa lamang siya sa paghahalaman dahil hilig ng kaniyang mga magulang ang paghahalaman na kadalasan nga ay kasama siya sa tuwing nag iikot at namimili ang mga ito ng halaman.
Dagdag pa niya, cactus ang gusto niyang itanim dahil bukod sa mura na ay maganda pa at maaring ibenta o pagkakakitaan.
Payo niya sa ibang mga kabataan na huwag limitahan ang sarili, sumubok ng bago katulad ng paghahalaman na malaki ang pakinabang sa inang kalikasan.
Ibinahagi naman sa amin ni Ethel Soriano, Presidente ng NECSE, kung paano siya nahilig sa paghahaalaman.
Kuwento nito, nagsimula siya noong naggagamot siya noong 2017 sa kaniyang kundisyon sa Cervical radiculopathy o pananakit ng kaniyang spine and nerves na nagbunsod upang sumailalim siya sa Therapy.
Ang pagtatanim at paghahalaman ang naisip niyang ‘outlet’ upang mawala ang stress na naramdaman sa kaniyang kundisyon, nagsimula sa libangan ang paghahalaman na humantong sa passion o nakawilihan niya ng gawin.
Hinikayat nito ang mga taong may kaparehong kundisyon sa kanya na subukan ang paghahalaman dahil mabisa itong stress reliever.
Para naman kay Boyet Ganigan may-ari ng Arid and Aroids Company na isa sa pinakamalaking supplier ng halaman sa bansa sa loob ng labing limang taon, nagsimula lang aniya siya bilang
pangkaraniwang empleyado hanggang naispan nitong sumubok sa industriya ng paghahalaman na ngayon ay may apat na nurseries sa buong Luzon na nagsu-supply sa mga kilalang hotels sa bansa kabilang ang Shangrila at Manila Hotel.
Malaki aniya ang nabago sa kaniyang buhay mapa aspektong sikolohikal at pinansyal.
Ibinahagi pa nito na hindi lang nakasentro sa mga kababaihan ang pagtatanim pwede rin aniya itong subukan ng mga kalalakihan na mas kilala ang mga breeders and hybridizers sa bansang Thailand, Vietnam at Indonesia.
Iba’t ibang halaman naman ang ipinasilip sa fair na kinabibilangan ng Ornamental plants, cactus and succulents, Air plants, maging soil mix, pottery at mga ceramics.
Layunin nito na pagbuklurin ang mga Novo Ecijanong nahihilig sa paghahalaman, makalikha ng awareness upang mapangalagaan ang kalikasan at mapaunlad ang industriya ng paghahalaman sa bansa.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN