Ginarantiya ng Social Security System (SSS) sa mga retiradong pensioners na hindi na kailangan ng collateral, guarantor at co-maker para makautang sa kanilang bagong Pension Loan Assistance Program o PLP.

Pinapayuhan lang na sundin ng Pensioner/Borrower ang mga sumusunod na hakbang.

Una, Kinakailangan na personal na magpunta  sa anumang branch ng SSS dala ang valid Identification card at fill-outan ang PLP application form.

Pangalawa, magtanong sa kawani ng SSS para malaman kung magkanong halaga ang maaring maipautang, importante ang disclosure statement para malaman

ang principal na halaga ng inutang, interes na 10%  kada taon, at magkano ang  buwanang ibabayad.

Isang araw naman ang  proseso ng pangungutang at kung sakaling maaprubahan at walang iba pang problema ay  limang araw naman ang paghihintay para makuha na ang inuutang.

Pagkatapos naman  ng 2 buwan ay magsisimula na ang unang pagbabayad at ito ay automatikong ikakaltas sa monthly pension na natatanggap.

Ayon kay Maureen Inocencio, Senior Communications Analyst ng SSS sa Gitnang Luzon, sa Pension Loan Program (PLP) ay maari ng mangutang ang pensyonadong retirado at senior citizens  sa mababang interes.

Dagdag pa nito, ito ay maaring applyan ng mga SSS Retiree Pensioners 80 years old pababa, walang kaltas ang kasalukuyang tinatanggap na pension,  walang record ng advanced loan sa SSS calamity relief package at aktibong SSS pensioner.

Kung ang pensyonda naman ay namatay na,  hindi aniya hahabulin ang mga naiwang kamag-anak o asawa nito para magbayad ng balanseng utang dahil ang pension loan ay garantisado ng credit life insurance na kung saan kapag may nangyari sa pensyonado ay automatikong bayad na ito.

Ang SSS Pension Loan Assistance Program (PLP) ay programang pautang sa mga kwalipikadong pensyonado ng SSS na inilunsad noong September 3  2018, kasabay ng ika-animnapung anibersaryo ng SSS.

Layunin nito na makapagbigay ng tulong-pinansyal sa mga retiradong pensyonado sa pamamagitan ng isang pautang na may mababang interes.

Maari namang bisitahin ang www.sss.gov.ph para sa karagdagang impormasyon sa PLP at iba pang programa ng SSS. –Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN.