Humigit tatlong libong katao ang dumalo sa Kauna-unahang ‘endurance ride’ ng Motorcycle Riders Federation of Nueva Ecija katuwang ang Provincial Tourism Office ng lalawigan na ginanap sa Crystal Waves sa bayan ng Talavera.

500 kilometro ang inikot ng mga motorista sa lalawigan na nilahukan ng mga riders mula Bulacan, Pangasinan at Tarlac.

Sa aming panayam kay Atty. Jose Maria   Ceasar San Pedro, hepe ng turismo sa lalawigan, ang ‘MoTOURista 2019’ ay nagpapakita ng iba’t ibang magagandang destinasyon sa lalawigan. Hudyat aniya ito sa mga turista na ikutin at tuklasin ang ganda ng Nueva Ecija.

Dagdag pa nito, malaki aniya ang mga naitutulong ng mga motorista sa turismo sa lalawigan  dahil mas napapadali at hindi na naging limitasyon ang layo ng magagandang atraksyon para sa mga turista o banyaga.

Ayon naman kay Committee Chair on Tourism Senior Board Member Rommel Padilla bilang prayoridad niya ang turismo sa lalawigan, napakalaking bahagi aniya ang nagagawa ng riders sa lalawigan dahil sa bawat destinasyong napupuntahan nito ay naibabahagi sa kapwa ang ganda ng isang lugar na nalibot nito.

Kaugnay nito kasama rin ni SBM Rommel Padilla ang kaniyang kapatid na si Robin Padilla at ang anak nitong si Daniel ‘DJ’ Padilla na inabangan at dinumog ng mga fans.

Palakaibigan at malalakas naman  ang  loob ng mga Pilipino ayon sa banyagang si Simon Hausli  na first time dumalo sa motorcycle riders event.

Samantala nagkaroon rin ng Bikini Open Contest na nagpainit sa gabi ng mga motorista, kabilang rin sa nagperform ang singer/composer na si Red Stilo at ang mga lokal na banda ng lalawigan na Hilera Band, Artikulo band.

Layunin nito na  mapanatili at mapatatag ang samahan ng mga lokal na motorista at  maiangat ang turismo sa lalawigan-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN