Nilibot ng mahigit 300 motorcycle riders ang ilang ipinagmamalaking tourists destinations sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Sabay-sabay na pag-iingay sa pamamagitan ng pagbusina ang naging hudyat ng send-off program o sama-samang paglilibot ng mga motor riders sa mga maipagmamalaking destinasyon sa Lalawigan, sa pangunguna ng Motorcycle Riders Federation of Nueva Ecija Incorporated.
Ayon kay Aileen Nimencio ng Arangkada Alliance Motorcycle Riders-Nueva Ecija, layunin ng MOTOURISTA o Motor, Turista at mga Artista-Nueva Ecija 500 kilometers Safe Run Eco – Tourism, na maipakilala ang iba’t ibang tourist destinations sa probinsya.
Inikot ng mahigit 300 motor riders ang nasa higit labing limang destinasyon sa Lalawigan na nag-umpisa sa Crystal Wave Resort & Hotel, Talavera na nagsilbi ding finish line.
Kinakailangang mag-selfie o groufie ng mga riders habang ang background ay ang bawat mapuntahang tourist destination, kung saan kabilang sa kanilang tinungo ang Nueva Ecija Provincial Capitol, Pantabangan Dam, Tayabo Eco Park sa San Jose City, Holy Face of Jesus ng Nampicuan, PMP Man – made Paradise Farm Resort ng Gen. Tinio (Papaya) at iba pa.
Sinabi naman ni Incumbent Senior Board Member ng First District na si Rommel Padilla, ang MOTOURISTA ay isang endurance ride ng Motorcycle Riders na inorganisa ng kanilang pederasyon katuwang ang Provincial Tourism Office.
Aniya, hindi lamang pag-promote sa mga tourist destinations ang kanilang naging layunin sa pagsasagawa ng kauna-unahang endurance ride sa lalawigan kundi pati na ang camaraderie at pagkakaisa ng kanilang grupo. – Ulat ni Joice Vigilla/ Jovelyn Astrero