Sa papalapit na pagdiriwang ng Semana Santa ay may kaniya-kaniya nang plano ang ilang Katolikong Novo Ecijano sa pagninilay ngayong Holy Week.
Tradisyon na ng mga Pilipinong katoliko na magnilay at gunitain ang panahon ng Semana Santa o Holy week taun-taon.
Ang Semana Santa ay sumisimbolo sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Panahon din ito ng pagdarasal, pagsasakripisyo at pagbabago .
Ayon kay Marieta Eusebio, taga Barangay San Roque Norte, Cabanatuan City, ang pagpipinitensya, pangingilin at pagsama sa pag i-istasyon sa kanilang Barangay ay ilan lamang sa mga ginagawa niya tuwing panahon ng Mahal na Araw.
Aniya hindi na rin umano sila nagtatrabaho mula araw ng Miyerkules Santo hanggang Linggo ng pagkabuhay upang magbigay galang sa paghihirap ni Jesus.
Dagdag pa nito umuuwi rin siya sa probinsya ng kaniyang Ina para sama-samang magnilay.
Para naman kay Danica Rigdao, isang estudyante mula sa Wesleyan University Philippines, bilang isang makabagong kabataan handa siyang maki-isa sa mga ginagawang paghahanda kapag Holy Week tulad ng pagbabasa ng pasyon.
Kasama ang kaniyang mga kapatid ay umuuwi rin sila sa kanilang probinsiya sa Dingalan upang magdasal at magbakasyon.
Para kay Rigdao, iiwasan muna niya ang pagbabad sa mga Social Media Sites upang alalahanin ang tunay na diwa ng Semana Santa.
Ang Mahal na Araw o Semana Santa ay pumatak sa pagitan ng April 14 Linggo ng Palaspas, hanggang April 21, Linggo ng Pagkabuhay. Nakapaloob sa Lingong ito ang Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria.
–Ulat ni Danira Gabriel / Lerie Sabularce.