Inisa-isa ng tanggapan ng Talaang Civil ng San Jose City, ang mga dapat ihandang dokumento ng mga aplikante ng magsing-irog para sa libreng kasalan sa lungsod ng San Jose sa darating na Araw ng mga Puso.
Taun- taong nagsasagawa ng mass wedding o libreng kasalan ang lungsod ng San Jose sa tuwing sasapit ang buwan ng Pebrero bilang itinuturing na Civil Registration Month at Araw ng mga Puso.
Sa darating na February 14, 2019 ay gaganapin ang kasalan sa ganap na alas singko ng hapon kaya naman bilang paghahanda ng tanggapan ng Talaang Sibil ay isa-isang ibinahagi sa amin ni Virginia Veneracion , Hepe ng Local Civil Registrar ang mga hakbang na dapat gawin ng mga aplikanteng gustong magpakasal.
Una, kinakailangang kumuha ng CENOMAR o certifiticate of no marriage na mula pa sa PSA, na magpapatunay na wala pang record o hindi pa kailanman naikakasal.
Pangalawa, ay birth certificate para malaman ang edad ng mga ikakasal.
Sunod ay ang residence certificate na magpapatunay kung tubong San Jose dahil hindi maaring magpatala ang mga dayo o ibang lugar.
Pang-apat ay death certificate para sa mga Biyuda/biyudo na gustong magpakasal. Na nagpapatunay na sumakabilang buhay na ang kanilang dating kinakasama.
Panglima ay ang Parental consent (below 25 yrs old ) bilang patunay na pinahintulutan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ikasal.
At panghuli ay magkakaroon naman ng seminar para sa pre marriage orientation counseling na kung saan bibigyang kaalaman ang mga magkasintahan para sa mga hakbangin bilang mag-asawa at sa pagpapamilya sa mga susunod na panahon.
Sagot din ng lokal na pamahalaan ang handa at venue maliban sa singsing, pamasahe at damit.
Mahalaga na bokal sa kalooban ng magkasintahan ang pagpapakasal at hindi napipilitan lamang.
Pahihintulutan naman ang mga nasa Article 34 o live-in partners na aplikante. Kinakailangan lamang na higit limang taon ng nagsasama mula 18 yrs old pataas. Mahalagang lisensiyado ang mga aplikante para agad maaprubahan ang aplikasyon sa pagpapakasal dahil kapag walang lisensya o permit at hindi pa nagsasama ng matagal, ito ay magsisilbing null and void o walang bisa ang kasal.
Kabilang sa mga nagpatala ay ang magkasintahan na sina Robi Alberto at Babylyn Damasco na nagsasama na ng anim na buwan, mainam at libre na anila na may mga ganito sa kanilang lungsod dahil malaking kabawasan sa gastusin sa kanilang planong pagpapamilya lalo pa’t buntis si Babylyn sa kanilang first baby.
Nagpapasalamat naman ang mga magulang sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng San Jose.
Sa January 29 2019 ang cut –off sa pag-aaply at sa Pebrero 13 naman ang huling araw para sa mga live in partners na aplikante.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.