Umabot sa anim na raan at dalawampu’t walong katao na sangkot umano sa ilegal na droga ang kusang sumuko sa Gapan City Police Station, Nueva Ecija. Bunsod ng programang Oplan Tokhang na pinaiiral ngayon ng administrasyong Duterte.
Katulad ng mga nakaraang Mass Oathtaking, lumagda ang mga sumuko sa isang Memorandum Of Understanding na nakasaad na ititigil na nila ang paggamit o pagtutulak ng droga at sang-ayon din sila na sumailalim sa rehabilitasyon.
Ayon kay Police Chief Supt. Peter Madria, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pag momonitor sa mga identified drug personalities.
Base sa report ng Gapan City PNP, sa 628 drug offender na sumuko; 540 ang user; habang 88 ay mga pusher.
Dagdag pa ni Madria, malaking bagay umano ang tulong na ginagawa ng mga opisyal ng barangay sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot.
Samantala, emosyunal naman ang naging panawagan ni Kapitan Reynaldo Castro ng Brgy. Marelo, sa kanyang mga nasasakupan. Aniya, hindi niya kukunsintihin ang sinuman na nadadawit sa ilegal na droga.
Umaasa ang Gapan City Police na marami pa ang susuko sa ilalim ng “Oplan Tokhang”. -Ulat ni Danira Gabriel