Sumalang sa eksaminasyon ang labing dalawang libong estudyanteng Novo Ecijano, upang sumubok na maging kabilang sa anim na libong scholar ni Gov. Aurelio Matias-Umali.

Balak ni Gigi na kumuha ng kursong Bachelor Of Science in Architecture sa darating na pasukan. Batid niya ang laki ng gastos sa matrikula sa kanyang pagkokolehiyo. Kaya Naman, naghahangad siyang maging scholar upang makatulong sa kanyang mga magulang para makabawas sa gastusin sa kanyang pag-aaral.

Isa lamang si Gigi sa mahigit kumulang labing dalawang libong estudyante na sumubok na maging scholar ni Gov. Aurelio Matias-Umali na ginanap sa NEHS o Nueva Ecija High School.

Ayon kay Bot Valino, ng pamo o Public Affairs and Monitoring Office, mas pinadali nila ngayon ang exam. Kung saan, naglalaman ito ng isang daang tanong sa mga asignaturang Ingles, Filipino, Math at iba pa.

Nilinaw din ni Valino na walang rate ang naturang eksaminasyon, bagkus sasalain ang mga estudyante sa pamamagitan nang kung sino ang nasa top o nakakuha ng pinakamataas na score sa exam.

Ang mga mapipili ay magiging kabilang sa kasalukuyang anim na libong scholar ng punong lalawigan, na nakakatanggap ng tatlong libo at limang daang piso kada semestre o pitong libong piso kada taon.

Ang scholarship program ang isa sa mga hakbang ni Gov. Umali upang bigyang katuparan ang pangarap ng bawat kabataang Novo Ecijano na makatapos ng kanilang pag-aaral at makatulong sa kani-kanilang pamilya.

Inaasahang malalaman ang resulta bago matapos ang buwan ng Mayo, sa pamamagitan ng text na magmumula sa Provincial Government.- Ulat ni Danira Gabriel

[youtube=http://youtu.be/RD2YcDj-s2g]