Nasunog ang dalawampu’t apat na stalls ng mga paputok sa gilid ng West Central School sa Bayan ng Guimba, araw mismo ng disperas ng bagong taon, kung saan umabot sa 560,000 pesos na halaga ang napinsala kabilang ang apat na motorsiklo, waiting shed na nasa harap ng eskwelahan, at alley roof ng naturang paaralan.
Sa video na ating nakuha mula sa Radyo Natin Guimba, bagamat binubugahan na ng tubig ang nasusunog na mga stall ng paputok ay may pailan-ilan pa ring pumuputok, habang nagliliyab parin ang waiting shed, mga motorsiklong nadamay, mga kahoy na ginamit sa paggawa ng mga stall, at iba pang mga naiwang kagamitan ng mga may ari ng stall.
Isang kubong malapit sa mga kabahayan din ang nasunog na nasa likurang bahagi ng mga classrooms ng eskwelahan, na may layong isang daang metro mula sa tindahan ng mga paputok.
Basag din ang bintana ng District Office ng Guimba West na may limang metro ang layo, at basag din ang bintana ng opisina ng Guimba Police Station na may dalawampung metro naman ang layo mula sa mga tindahan ng mga paputok.
Sa imbestigasyon ng Guimba Police Station, nagsimula ang sunog sa isang sinindihang“kwitis” na naibato ng mga hindi nakilalang mga bata sa isang tindahan ng paputok na nagdulot nga ng putukan at pagsabog ng 24 stalls ng mga paputok.
Ayon kay Senior Fire Officer Mario Almazan ng Guimba Fire Station, nagsimula ang sunog bandang alas dyes ng umaga kung saan lubhang napakabilis ng takbo ng putok na lumamon nga sa 24 stalls ng paputok na inabot lamang ng dalawang minuto ang matitindi at malalakas na putukan at pagsabog.
Bagaman walang nakumpiska o nakitang mga ipinagbabawal na paputok ang Bureau of Fire ng Guimba nang sila ay mag-inspection, ay naniniwala pa rin si Almazan na may mga ipinagbabawal na paputok ang nasunog dahil sa sobrang lakas ng dagundong at pag-uga ng lupa.
Ayon kay Almazan maituturing aniya itong wakeup call para sa Pamahalang Bayan, kaya hiling nito na sana ay may isang konsehal ang gumawa ng Ordinansa na nagbabawal sa pagtitinda ng paputok sa Bayan ng Guimba.
Ayon naman kay Ismael Litig, nagtitinda ng paputok at may-ari din ng isa sa mga nasabugang motorsiklo, nakita aniya ng kanyang kasamahan na mayroong nagpapaputok malapit sa mga stall ng paputok at bigla ay narinig na nila ang sunod-sunod na putukan sabay ng takbuhan ng mga tao.
Wala ding naisalbang paninda ang isa pang tinderong paputok na si Kuya Nel maging ang kanilang napagbentahan nang araw na iyon ay hindi na rin nagawang maisalba dahil inuna na aniya nilang isalba ang kanilang mga buhay.
Panawagan naman nito sa kapwa niya tindero na itigil na ang pagtitinda ng mga paputok na maaari pang makasakit sa tao, dahil mas mahirap aniya kung buhay ang mawawala.
Labing limang minuto naman ang itinagal sa pag-apula sa mga apoy at naideklara nang fire out ang naturang lugar, kung saan anim na fire station mula sa mga karatig bayan ang tumulong.
Maswerte namang walang naiulat na namatay o malubhang nasaktan sa insidente, bagamat marami ang mga nagkagalos sa iba’t ibang parte ng katawan sanhi ng kanya-kanyang takbuhan, pagdapa, at pagtalon dahil sa sobrang takot. – ulat ni Shane Tolentino
[youtube=http://youtu.be/_8-5wpEVXfM]