Dahil sa kaliwa’t kanang reklamo sa langaw na nagdudulot ng banta sa kalusugan at pagkasuspendi ng mga klase sa ilang paaralan sa Brgy. Poblacion sa Bayan ng Gen. Mamerto Natividad ay ipinatigil ang operasyon ng Poultry na pinagmumulan ng maperwisyong mga langaw.
Sa Cease and Desist Order na ibinaba ni Mayor Librado Santos, napag-alaman na walang Zoning Clearance mula sa Municipal Planning and Development Office, Sanitary Permit mula sa Municipal Health Office at Mayor’s Permit to operate ang naturang manukan.
Kamakailan ay nagharap sa Sangguniang Bayan ang grupo ng mga magulang at guro ng REH Montessori College, mga nagrereklamong residente ng barangay at ang may ari ng poultry na si Gerardo Santos kung saan tinalakay ang perwisyong dulot ng mga langaw.
Nangako umano ang may-ari ng Poultry na bibigyang pansin at susolusyunan ang usapin sa pagdagsa ng mga langaw sa nasabing barangay at kalapit na lugar.
Ayon kay Kapitana Luz Cruz ng Brgy. Poblacion, mahigit tatlong taon na nilang suliranin ang pagdagsa ng mga langaw sa tuwing sasapit ang Harvest Period ng nasabing Poultry.

Ganito karaming langaw ang naiipon ng ilan sa mga residente ng Brgy. Poblacion sa Bayan ng Gen. Mamerto Natividad kada araw dulot ng inirereklamong manukan sa naturang lugar. – Photo Credit to Daisy Dasya
Kumalat maging sa social media ang pagdagsa ng mga langaw sa naturang lugar kung saan kinuhanan ng larawan ng mga mamamayan doon ang sandamakmak na langaw na pumapasok sa kanilang mga tahanan.
Halos isang linggo namang sinuspendi ang klase sa REH Montessori College dahil marami umano sa mga magulang ang ayaw papasukin ang mga anak dahil sa takot na magkasakit ang mga ito dahil sa mikrobyong maaaring maidulot ng mga langaw.
Maging ang mga nagtitinda ng mga karne sa palengke ay apektado din, kung dati daw ay mabenta ang kanilang mga itinitindang karne ngayon ay naging matumal na.
Sa kasalukuyan ay kaunti na lamang ang mga langaw sa naturang lugar at ibinalik na rin sa normal ang araw ng klase sa ilang eskwelahang pansamantalang nagsara. -Ulat ni Shane Tolentino