Sa isinagawang media forum ng Nueva Ecija Press Club, Inc. noong nakaraang Huwebes, March 14, 2019, ibinalita ni Former Governor Aurelio “Oyie” Umali ang binubuong plano ngayon ng Provincial Government of Nueva Ecija sa pangunguna ng kanyang asawa na si Governor Czarina “Cherry” Umali para matulungan ang mga magsasakang umaaray ngayon dahil sa mababang presyo ng palay.
Ayon kay Former Governor Umali, ang nakikitang pangmatagalan na solusyon ng pamahalaang panlalawigan ay ang tulungan ang National Food Authority (NFA) sa pagbili ng palay sa mga magsasaka.
Ang magiging sistema aniya nito ay bibili ng palay ang Provincial Government sa halagang P18 hanggang P20 kada kilo at saka ipapamahagi sa mga lokal na pamahalaan para maging bigas at saka ibebenta sa mga konsyumer ng mas mura kaysa sa nasa merkado.
Pero nilinaw nito na ang magiging prayoridad ng programa ay ang mga maliliit na
magsasaka lalo yung mga walang sariling sakahan.
Kaya naman binabalak na aniya ng PGNE na bumuo ng Provincial Food Council na siyang mangunguna sa programang ito subalit kailangan munang ipagpaalam sa Commission on Elections bago masimulan dahil sa election ban.
Samantala, nang tanungin naman ang dating gobernador kung posible pa bang maging magkaalyado sila muli ng mag-asawang Jay at Ria Vergara ay walang pag-aatubili itong sumagot ng oo.
Ayon sa kanya, hindi naman nawawalan ng posibilidad na magkaayos sila ng mga Vergara lalo kung makabubuti naman ito sa taong bayan na kanilang pinaglilingkuran. –Ulat ni Jessa Dizon