Sa  ikalimang media forum ng Nueva Ecija Press Club Inc.  noong March 8, 2019 na isinagawa sa NEPPO Hostel, sa Cabanatuan City inihayag ni Senior Board Member Rommel Padilla na kung sakaling manalo siya bilang kongresista sa unang distrito ay prayoridad nito ang sektor ng agrikultura at turismo sa lalawigan.

Nilinaw naman nito na rehabilitasyon at  pagpapaganda lang aniya ng parke ang tunay na dahilan kung bakit pinapagawa ang Freedom Park taliwas sa kumalat na fake news kamakailan na ipinagbibili umano ng pamahalaang panlalawigan ang parke at pagtatayuan ng isang mall na umani ng iba’t ibang komento sa social media.

Sinagot naman ni SBM Rommel Padilla ang isang tanong ng mamamahayag kung paano nito matutulungan ang mga magsasaka na apektado ng  kontrobersyal na Rice Tarrification Law.

Dagdag  pondo ng gobyerno  sa NFA o National Food Authority aniya ang nakikita niyang solusyon  para mabili sa tamang halaga ang palay mula sa mga magsasaka.

Hinikayat naman ni SBM Padilla ang mga kongresista na tumayo , manindigan at maging boses para sa mga magsasaka lalo pa’t ang sektor ng agrikultura sa lalawigan ang apektado nito.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN