Sa ikalawang araw ng pagbisita ng Inang Mahal Party-list sa pangunguna ni Manay Gina De Venecia,  sa Cabanatuan City, Nueva Ecija noong February 28, isinusulong  nito ang mga programang pangkababaihan.

   ilan umano sa mga proyekto ng Inang Mahal Party-list na napapakinabangan na ay ang Haven for Women na may labing anim na Regional Center sa buong bansa na lumilingap sa mga kababaihang biktima ng karahasan at pang-aabuso.

   Haven for Children na matatagpuan  sa Alabang, Muntinlupa, na tumutulong sa mga batang nalululong sa masamang bisyo  at sumisinghot ng rugby.

   Habang, ang Haven for Eldery naman na nasa Tanay, Rizal ay nagbibigay ng pagmamahal para sa mga lolo at lolang pinabayaan na ng kanilang pamilya.     Sa aming panayam kay Dulce Carmelo, ng Barangay Isla, Cabanatuan City,  sinabi nito na maganda ang mga proyekto ng Inang Mahal Party-list, dahil hindi lang kababaihan ang natutulungan nito kundi pati ang mga kabataan at katandaan.

Para naman kay Josephine Maniego, isang House wife na taga Bitas, Cabanatuan City, ang pagbibigay ng masisislungan sa mga matatanda ang isa sa nagustuhan niyang proyekto ng naturang Party-list, dahil sa panahon ngayon marami ng mga katandaan ang napapabayaan.

Ayon naman kay Celerina Inigo, bilang isang ina, dapat lang na bigyan din ng sapat na pagpapahalaga ang mga kababaihan kaya tama lamang na magkaroon ng mga programa, tulad ng isinusulong ng Inang Mahal Party-list at itinuturing nya ito na bagong pag-asa para sa mga kababaihan na inaabuso at pinagsasamantalahan.

Sa mensahe naman ng Third nominee ng Inang Mahal Party-list na si Mrs. Vicky Ablan, mayroon pa silang mga proyekto na idadagdag, isa na rito ang pagbibigay ng trabaho sa mga kababaihan na edad kwarentay singko hanggang singkwentay singko,sinabi nito na karamihan kasi ng kababaihan ngayon kapag tumungtong sa nasabing edad ay hindi na tinatanggap sa trabaho.

Para naman sa mga inang nasa ibang bansa o OFW  na iniiwan ang mga anak para mabigyan ng magandang kinabukasan, maglalagay sila ng  libreng telepono sa bawat  DSWD Center  upang magkaroon ng libreng komunikasyon ang mga ito.