Hindi umano makaboboto sa darating na halalan ang mga nagparehistro pero wala sa listahan ng Comelec Talavera.
Nakahanda na ang PCVL o Posted Computerized Voters Lists para sa darating na eleksyon at ipapaskil ito sa harap ng Comelec Talavera Office sa buwan ng Pebrero upang matingnan na ng publiko kung sila ay kasama sa mga makaboboto sa darating na Mayo 13, 2019. Sa aming panayam kay Election Officer IV Jose Ramiscal ng Comelec Talavera, pinaalalahanan nito ang mga taga Talavera na tiyakin na kasama sa listahan ng mga botante ang kanilang pangalan.

Ipinaliwanag din nito may tatlong dahilan kung bakit mawawala sa listahan o PCVL ang pangalan ng isang mamamayan.
Una hindi nakumplento ang kaniyang registration form dahil hindi nakuhanan ng litrato, pirma o thumb mark para sa biometrics.
Ikalawa, ang nagpatranfer o nagpalipat sa ibang lugar ng rehistro ngunit kapag malapit na ang eleksyon ay bumabalik ang botante sa dating bayan na kaniyang pinagparehistrohan na dala ang kaniyang voters ID at sinasabing doon siya bumoboto.
At ikatlo, ay ang pagpaparehistro ng isang botante sa iba’t ibang lugar.
Bilang solusyon sa ganitong pangyayari gumagamit ngayon ang Comelec ng Automated Fingerprint Identification System o yung tinatawag na AFIS Matching Report na kayang matukoy kung ilang beses nang nakapag-parehistro ang isang botante. Sa pamamagitan lang ng kanilang thumb mark ay malalaman na agad kung paulit-ulit itong nag-parehistro at kung ito ay napatunayan saka pa lamang ito tatanggalin sa listahan.

Nilinaw din, ni Election Officer IV Jose Ramiscal na sa ngayon ay hindi pa sila nagbubura ng mga botanteng hindi nakaboto ng dalawang magkasunod na eleksyon.
Ipinahayag din ni Ramiscal na sa buwan ng Abril bago mag halalan ay magusu-summirize o magbubuod na sila ng listahan para tanggalin na ang mga pangalan ng mga namatay nang botante.