Dalawang daan at dalawampu’t anim na reformists ang ipapasok sa kabubukas lang at ika-25 Balay Silangan sa buong bansa na matatagpuan sa Brgy. Sampaloc, Talavera, Nueva Ecija.

Ginanap kahapon ng umaga, February 18, 2019, ang inagurasyon nito kung saan dumalo sina Mayor Nerivi Martinez, NEPPO Provincial Director Leon Victor Rosete, Atty. Aurelio Umali bilang kinatawan ni Governor Czarina Umali, PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino at mga barangay officials sa 53 barangays ng Talavera.

Sa talumpati ni Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino, inanyayahan nito ang higit 200 surrenderers na tuluyan nang talikuran ang paggamit ng iligal na droga dahil puro problema lang aniya ang idudulot nito.

Hinikayat din ni Aquino ang mga SK Chairman dito sa lalawigan na bukod sa mga liga at beauty pageants ay maglatag din sana ang mga ito ng proyekto para maimulat at mailayo ang mga kapwa nila kabataan sa paggamit ng illegal drugs.

Naniniwala naman si Atty. Aurelio Umali na kung magtutulungan ang mga Novo Ecijano sa pagsugpo ng droga katuwang ang mga Pamahalaang Lokal ay mangunguna ang probinsya sa pakikiisa sa kampanya ng gobyerno kontra illegal na droga.

Ayon kay NEPPO Provincial Director PSSupt. Leon Victor Rosete, mahigit 25,000 ang surrenderers na nakatala sa kanila dito sa lalawigan at kalahati o mahigit 12,000 pa lang ang dumadaan sa reformation program.

Sasailalim ang mga reformists sa isang 30-day reformation program kung saan pagkatapos nito ay tutulungan sila ng lokal na pamahalaan katuwang ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na makahanp ng trabaho at maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan sa lipunan.

Siniguro naman ni Mayor Nerivi Martinez na makakaasa ang buong bayan ng Talavera na patuloy ang mga prorama at proyekto ng Pamahalaang Lokal para sa mas maayos, tahimik at maunlad na bayan sa mga susunod na panahon. –Ulat ni Jessa Dizon