Arestado ang mag-asawang sina Jasmin at Marcelo Villafuerte na suspek sa pagnanakaw at pagpaslang sa mag-asawang retiradong guro na sina Eusebio at Sobrina Matias na natagpuang bangkay sa kanilang tahanan sa Purok 6, Brgy. San Roque, San Isidro, Nueva Ecija noong April 27, 2017.

Matapos ang mahigit dalawang buwan na pagtatago sa mga alagad ng batas ay nasakote ang mga suspek sa Brgy. 3 San Mateo, Isabela kung saan sila nagtatago.

Ayon sa pulisya, sinubukan silang iligaw ni Jasmin sa kaso ngunit dahil sa masusing pagsisiyasat ng mga ito ay natunton ang mga ebidensyang magdidiin sa kanilang mag-asawa sa krimen.

Maliban sa mga blood trail mula sa crime scene patungo sa tirahan ng mag-asawang Villafuerte ay natagpuan sa loob ng tahanan ng mga suspek sa bisa ng Search Warrant na inisyu ni Hon. Celso O. Baguio ng RTC, Gapan City ang isang gold necklace, pinag-sususpetsahang mantsa ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng kanilang tahanan, isang pares ng heart shaped-earrings, at 5 cartridge ng cal.38.

Dawit din sa kaso ang magkapatid na sina Karen Fernando at Jaime Usero na umano’y sumubok burahin o tanggalin ang anumang ebidensya upang mapagtakpan ang krimen.

Napag-alaman na ahente ng mga biktima ang mag-asawang suspek sa kanilang Jewelry Business at may malaking pagkakautang sa mag-asawang biktima. Napag-alaman din na pamangkin ni Eusebio ang lalaking suspek na si Marcelo.

Ayon kay Police Senior Superintendent Antonio Yarra, Provincial Director ng Nueva Ecija Police Provincial Office, planado ang pagnanakaw na nauwi sa pagpatay sa mga biktima, dahil gabi ito isinagawa, kung kailan wala ng sinuman ang maaaring maging testigo sa naturang krimen.

Nagpasalamat naman ang mga anak ng mga biktima dahil sa pagkakadakip sa mga suspek na sa kasalukuyan ay nasa kostudiya na ng pulisya at kakaharapin ang kasong Robbery with Homicide. — Ulat ni Jovelyn Astrero