Dahil sa paparaming bilang ng mga nasasangkot sa iligal na droga sa bansa, ay minabuti ni Cabanatuan City Vice Mayor Doc. Anthony Umali na sumailalim sa urine drug testing sa Nueva Ecija Provincial Crime Laboratory Office o NEPCLO.

   Ayon kay Vice Mayor Umali, nais nitong bigyan ng kasiguraduhan ang mga Cabanatueñong naghalal sa kanya sa posisyon na hindi sya gumagamit o sangkot man sa iligal na droga.

Personal na nagtungo noong lunes sa Nueva Ecija Crime Laboratory Office si Cabanatuan City Vice Mayor Doc. Anthony Umali at mag-isang sumalang sa drug testing bilang pagsuporta sa kampanya laban sa illegal na droga.

Personal na nagtungo noong lunes sa Nueva Ecija Crime Laboratory Office si Cabanatuan City Vice Mayor Doc. Anthony Umali at mag-isang sumalang sa drug testing bilang pagsuporta sa kampanya laban sa illegal na droga.

   Kasabay ng pagsadya ng Bise-alkalde sa NEPCLO noong lunes, ay sumalang din sa Random Drug Testing ang labing walong Department Heads at empleyado ng Cabanatuan City Government na isinagawa sa City Hall, maliban pa umano sa tatlumput walong kawani na nauna ng sumailalim sa drug test noong biyernes.

   Bagaman nagsagawa ng Drug Testing sa City Hall ay mas pinili ni Vice Mayor Umali na mag-isang tumungo sa NEPCLO upang direktang makapagpasa ng kanyang urine specimen.

   Pinahiwatig nito na nangangamba siya na magkaroon ng specimen switching sa drug testing na maaaring makasira sa kanyang pangalang iniingatan, kaya upang makasiguro ay nagtungo na lamang siya sa NEPCLO para doon magpa-urine drug test.

   Samantala, pumalo na sa 1, 740 ang bilang ng mga sumusukong user at pusher sa Cabanatuan Police Station sa ilalim ng programang “Oplan Tokhang” ng kapulisan.

  Sa panayam sa Bise-alkalde ay inihayag din nito ang paghahandang isinasagawa ng City Government para sa pagpapatayo ng Rehabilitation Center para sa mga drug dependent na kusang loob na sumuko na nais ng magbagong buhay.

   Hinimok din nito ang iba pang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na sumuko na sa kapulisan upang makapagsimula ng panibagong buhay kapiling ang kanilang pamilya. -Ulat ni Jovelyn Astrero