Dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasinaya sa itinayong Moscati Meadows Residential Treatment Facility sa isang ektaryang lupain sa bayan ng Laur, kahapon February 13, 2019.

Sa pagtitipon ay dumalo rin sina Gov. Czarina “Cherry” Umali, Doc Anthony Umali, Bokal Macoy Matias at iba pang lokal na opisyal upang saksihan ang inagurasyon.

Nilibot ng Pangulo ang bagong drug treatment center na pagmamay-ari ng pamilyang Molleston na may kakayanang makapaglaman ng limampung pasyente.

Pinuri ni Duterte ang Molleston sa layunin na matulungan ang mga biktima ng ipinagbabawal na gamot na maibalik sila sa komunidad bilang mga responsible at kapaki-pakinabang na mamamayan.

Aniya, kailanman ay hindi biro sa kaniya ang tatlong milyong bilang ng mga adik sa Pilipinas.

Pag-amin ng Presidente, nagkamali siya sa pangakong niya noong panahon ng kampanyahan na kaya niyang tapusin ang iligal na droga sa loob ng anim na buwan dahil hindi niya umano napagtanto na ang mga kapwa niya nakaupo at empleyado sa gobyerno ang kaniyang makakalaban.

Maanghang na pagbabanta ang binitawan ng Pangulo sa mga taong ayaw tumigil sa iligal na droga.

         Ang Moscati ay tinatawag din na “The Healing Haven” dahil sa magiging paraan ng panggagamot nito kabilang ang prayer activity, yoga at meditation na nakapaloob sa anim na buwang holistic rehabilitation program.

Ayon kay Addictionoligist at Founder ng Moscati Meadows na si Dra Sarah Joy Ruiz Molleston, bilang isang Pilipino ay ninais niya na maibigay ang world class treatment sa kaniyang mga kababayan.

Ang pasilidad ay inaasahang magsisimula ng operasyon sa susunod na isa o dalawang buwan kapag nakuha na ang mga kinakailangang dokumento. –Ulat ni Danira Gabriel