Sa ginanap na media forum ng Nueva Ecija Press Club Incorporated, isa-isang sinagot ni Atty. Oyie Umali ang mga katanungan ng mga mamamahayag kaugnay ng kanyang muling pagkandidato bilang gobernador ng Nueva Ecija.

Pangunahin ang dismissal o pagbasura ng Second Division ng Commission on Elections ng disqualification case na isinampa ng isa sa mga makakalaban ni Umali na si dating Mayor Virgilio Bote.

Masayang kinumpirma ni Atty. Oyie na taliwas sa mga ipinakalat na balita ng kanyang mga katunggali ay tuloy ang kanyang laban sa pagka gobernador.

Sa kabila ng kabi-kabilang pag-atake sa kanya ng kanyang mga kalaban sa pulitika ay nanatiling tikom ang bibig ni Umali dahil wala naman aniyang magandang idudulot sa mamamayang Novo Ecijano kung papatulan nya ang mga ito.

Sinagot ni Former Aurelio Umali sa harap ng mga media ang mga isyung ibinabato sa kanya ng mga kalaban sa pulitika.

Paliwanag ni Umali, hindi siya mahilig humarap sa media lalo na kung kaso ang pinag-uusapan kundi sa korte kung saan mas dapat na pinaglalabanan ang mga legal na usapin.

Sa loob naman aniya ng tatlong taon habang naglilingkod bilang Punong Lalawigan ang kanyang kabiyak na si Governor Czarina Umali ay nabigyan sya ng pagkakataon na magampanan ang kanyang pagiging ama sa kanilang apat na anak.

Isang istratehiya umano ng kanilang partido kaya napag-desisyunan nilang mag-asawa na magpalit ng posisyong tatakbuhan ngayong eleksyon.

Sa kanyang pagbabalik sa pamahalaang panlalawigan, tiniyak ni Umali na ipagpapatuloy niya ang mga pagbabagong nasimulan sa lalawigan na naging dahilan kung bakit siya naluklok sa pwesto.

Inaasahan na rin aniya niya na pagkatapos niyang magsalita sa harap ng mga mamamahayag ay babanat na naman ang kanyang katunggali kaya naman nakahanda na siyang sagutin ang mga ito.- ulat ni Clariza de Guzman