Mura at swak sa budget na insurance plan ang alok ng CLIMBS Life and General Insurance Cooperative para sa mga miyembro ng kooperatiba sa bansa.

Ito ang kanilang iprinisenta sa Business Forum na idinaos sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, kahapon, February 5, 2019.

Ayon kay Noel Raboy Presidente ng CLIMBS, layunin ng samahan na magbigay ng abot kayang social protection sa mga simpleng mamamayan.

Ang CLIMBS ay mayroong iba’t-ibang produkto at serbisyo, kagaya na lamang ng pinakamababa nilang Personal Accident Insurance Protection na tinatawag na PATXT 15.

Sa PATXT 15, magrerehistro ka lamang sa pamamagitan ng txt message sa halagang P15. Protektado ka na sa anumang aksidente sa loob ng isang taon.

Mayroon din silang 24/7 Personal Accident Protection and Assistance Program, Health and Accident Insurance, Coop Loan Protection Plan, Group Team Accident Insurance Coverage for Students, Motor Car Insurance at Fire Insurance Cash Assistance.

Nagsilbing kinatawan ni Gov. Cherry Umali si Bokal Macoy Matias na naghatid ng mensahe para sa mga kooperatiba.

Aniya, hangad nilang mabigyan ng libreng insurance ang mga opisyal ng barangay sa buong lalawigan.

Dumalo rin sa naturang forum si Norgen Castillo at dating konsehal ng Cabanatuan City na si JanJan Cecilio na nagpatupad noon ng libreng insurance para sa mga barangay officials sa lungsod.

Paglilinaw ni Raboy, ang CLIMBS ay hindi pagmamay-ari ng pribado o iilang miyembro kundi ito ay pagmamay-ari ng apat na libong kooperatiba sa buong bansa.

Kaya’t nakasisiguro aniya ang mga miyembro na hindi sila matatalo.

Matatagpuan ang Satellite Office ng CLIMBS sa Bernardo District, Cabanatuan City. –Ulat ni Danira Gabriel