Pinarangalan ang mahigit isang daang natatanging anak ng Baranggay Concepcion sa bayan ng Gen. Tinio, dahil sa mga magagandang adhikain at kanilang naiambag sa Komunidad.
Ang mga pinarangalan ay mga Retiradong Empleyado ng Gobyerno, Mga haligi ng Brgy. Concepcion sa larangan ng Politika, Negosyo at Pagandahan, mga naging matagumpay sa kanilang propesyon bilang Abogado, Guro, Doctor at maging mga Magulang na napagpatapos ng kanilang mga anak.
Sa mensahe ni Kapitan Eugenio T. Pajarillaga Sr. , sinabi nito na ang pagpaparangal sa mga natatanging anak ng Brgy. Concepcion ay kaugnay ng pagdiriwang nila ng kapistahan ng Imaculada Concepcion na patron ng kanilang Barangay.
Ilan sa nga ito sina Inspector Victorino B. Bote isang retiradong Pulis na pinarangaralan dahil sa tatlumpu’t apat na taong pag-seserbisyo sa bayan ng Gen. Tinio; Tatay Rustino B. Bautista isang simpleng mamamayan ng Brgy. Concepcion na may pitong anak binigyang pagkilala dahil sa kabila ng pagiging isang magbubukid ay napagtapos niya sa kolehiyo ang pito niyang anak ; at si Lolo Mateo Padilla kinilala dahil umabot siya sa edad na 107 years old.
Ayon kay Gng. Perlita B. Mangulabnan Chairman Organizer ng naturang programa, nararapat lang na bigyan ng pagkilala ang kanilang mga kabarangay na naging mabuting halimbawa at nagbigay ng karangalan sa kanilang Komunidad.
Ito aniya ang kauna-unahang pagpaparangal sa mga natatanging anak ng Concepcion na ginawa sa kanilang Barangay.
Kaya nangako si Konsehal Florante P. Maducdoc na taon-taon ay gagawin na nila ito para maengganyo din ang iba pa nilang mga kabarangay na magsumikap sa buhay.