Mahigit kumulang labing anim na libong miyembro ang dumalo sa taunang selebrasyon ng Nueva Ecija 1 Electric Cooperative Incorporated sa pangunguna nina general manager Bonifacio A. Patiag, chairman ng MSEC o Multi-Sectoral Executive Council na si Reverend Father Antonio A. Mangahas at mga opisyal ng kooperatiba.
Ang programa ay may temang Accelerating Towards Excellence na may layuning mailawan ang lahat ng lugar at magkapagbigay ng maaasahang serbisyo sa abot kayang presyo ng kuryente para sa lahat.
Kasabay din ng kanilang anibersaryo ay ang ika dalawampu’t pitong taunang pangkalahatang pagpupulong ng kanilang mga kasapi at mga kawani kung saan nagsagawa ng pag-uulat ang NEECO1 kaugnay sa mga pagbabago katulad ng mas pinabilis na proseso ng mga tanngapan, karagdagang sub stations, mga linya , mga sasakyang pangserbisyo, at ibang gamit sa paglilingkod para sa mco o member consumers owner at ang kasalukuyang matatag na estadong pinansiyal ng kooperatiba.
Nakiisa rin sa pagtitipon si provincial administrator Attorney Alejandro Abesamis bilang kinatawan ng ama ng lalawigan at dating Gobernador Oyie Matias Umali, kung saan ipinaabot nito ang mensahe at pagkilala sa patuloy na paglilingkod at pagbibigay elektripikasyon ng kooperatiba para sa bawat bayan.
Binigyang diin rin nito na patuloy na susuporta ang pamahalaang panlalawigan sa mga kooperatiba lalo’t higit sa neeco dahil ang pangunahing hangarin aniya ng ina at ama ng lalawigan ay pagpapailaw sa bawat sulok ng tahanan.
Dagdag pa nito, bilang suporta sa NEECO ay may malaking proyektong nakalaan ang gobernador upang mas mapabilis ang pagseserbisyo sa mga konsyumer ng kooperatiba.
Pinarangalan rin ang dating gobernador dahil sa walang kapagurang pagsisikap nito upang mapaunlad ang lalawigan ng Nueva Ecija.
Mas lalo pang pinasaya ang pagdiriwang ng magkaroon ng Grand Raffle kung saan nagpamigay ng 12 bagong tricycle, mountain bike, washing machine, television set, refrigerator, bigas at marami pang iba.
Isa sa mga mapalad na nanalo ay si Elena Plastico na taga Gapan city.
Unang itinatag ang NEECO1 noong november 24, 1974 na binubuo ng lungsod ng Gapan at apat na bayan , ang Cabiao, San Isidro, Jaen at San Antonio.
Sa tala noong nakaraang buwan ng october 2018, tinatayang mayroon ng kabuuang bilang na 92,525 ang miyembro ng NEECO1. –Ulat ni Jessa Dizon