Pababa ang naging trend o daloy ng dengue cases sa lalawigan mula taong 2012 hanggang sa kasalukuyan, mula sa 6113 kaso noong 2012 ay bumaba ito sa 4435 noong 2013, nung nakaraang taon ay nagpatuloy ang pagbaba nito sa 1718 hanggang sa umabot na lamang ito ngayon sa 798.

Mula taong 2012 hanggang sa kasalukuyan ay pababa ng pababa ang bilang ng kaso ng dengue sa Nueva Ecija, na halos umabot sa 60 porsyentong pagbaba.
Ayon kay Doctor Benjie Lopez, Head ng Provincial Health Office, isa ang lalawigan ng Nueva Ecija sa nakapagtala ng may pinakamababang bilang ng dengue cases sa buong Region III ngayong taon, dahil sa 60 porsyentong pagbaba ng kaso nito.
Sa talaan ng mortality ang dating dalawa noong nakaraang taon ay naging isa na lamang ngayon, na inaasahang hindi na madaragdagan pa dahil umano sa magandang kooperasyon ng mga Local Government Units, Local Health Officers at mismong mga mamamayan ng bawat bayan.
Mula taong 2012 hanggang sa kasalukuya ay nangunguna pa rin sa listahan ng may pinakamataas na kaso ng dengue sa Lalawigan, ang Cabanatuan City dahil sa lawak o laki ng lugar at dami ng populasyon dito.
Habang dalawang magkasunod na taon namang pumangalawa sa listahan ang Lungsod ng San Jose bago ito nawala sa top 5 list ng may pinakamataas na kaso ng dengue at pumalit noong nakaraang taon dito ang Sta. Rosa at ngayong taon ay pinalitan naman ng Bayan ng Guimba, pangatlo sa listahan ngayong taon, ang Bayan ng Zaragoza, pang-apat ang Bayan ng San Antonio, at ika-lima ang Lungsod ng Palayan.

Pinamumugaran madalas ng mga lamok na may dalang sakit na dengue ang mga stagnant water o hindi gumagalaw na tubig, na madalas nakatambak sa mga likod bahay.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit, ay pagtagal ng lagnat ng tatlo hanggang limang araw, pananakit ng ulo at mga kasukasuan, paglitaw ng mga skin rashes, pagsakit ng tiyan, pagdurugo ng ilong o gilagid, at pagbaba ng platelet count.
Maliban sa lokal na pamahalaan ng bawat bayan, malaki din umano ang papel na ginagampanan ng mga guro sa pagpapalaganap ng mga impormasyon upang matugunan ang kanilang laban kontra dengue, lalo pa nga’t karamihan sa mga naitalang bilang ng kaso nito ay mga estudyante.
Payo ni Doc. Lopez, panatilihan dapat malinis ang kapaligiran, hanapin at sirain ang pinamumugaran ng mga lamok at protektahan ang mga sarili sa pagsusuot ng mga long sleeves at jogging pants.
Dagdag pa niya, sa unang araw ng lagnat ay uminom na kaagad ng gamot, at magpakonsulta sa Doktor, kapag nakitaan naman ng mga sintomas ng dengue ay mabisa rin aniya ang pag-inom ng tubig o fluids para hindi na magtuloy o lumala pa ang sakit. -Ulat ni Shane Tolentino