Minarapat ni Governor Czarina Umali na gamitin sa pagpapalakas ng mga barangay ang 20% development fund ng 2019 Annual Investment Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Sa iprinisentang programa, inilahad na ang malaking tipak ng halagang Php563, 023, 307.00 ay gugugulin para sa mga pagawaing proyekto .

Paliwanag ni Governor Cherry Umali, ang mga ipagagawang imprastraktura ay hiniling ng mga opisyal ng barangay na kinakailangan sa pagpapaunlad ng mga komunidad.

Ipinaliwanag ni Gov Cherry Umali sa Provincial Development Council ang mga pagawaing proyekto para sa palakasin ang mga barangay sa Nueva Ecija

Mahigit Php56-Million ang inilaan para sa pagpapatayo ng mga multi-purpose buildings at higit isandaang milyong piso sa multi-purpose facilities.

Ayon kay Governor Cherry, iimprove ang disenyo ng mga bagong ipatatayong gymnasium na nagsisilbing evacuation centers kapag may kalamidad. Lalagyan ito ng kusina, CR at maglalaan ng mga tent.

Limampong barangay naman ang susuportahan sa pagbili ng mga service vehicles. Php175-Million ang inilaan sa pagpapagawa ng mga tulay at kalsada.

Tatlong kalsada naman na inendorso ng mga barangay officials ang popondohan ng national government ng halagang Php128-Million para maipagawa sa Gapan City at mga bayan ng Rizal at Natividad.

Kukunin naman sa General Fund ang Php152-Million para sa Asphalt Batching Plant na itatayo sa barangay Bravo, Natividad.

Php10-Million naman ang nakatabi para sa pagbili ng mga medical/hospital equipment and peripherals ng ELJ Memorial Hospital, District and Community Hospitals sa lalawigan.

Mahigit Php191-Million para sa Social and economic development projects. Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang mga programa para sa scholarship at Lingap Mula sa Puso.- ulat ni Clariza de Guzman