Sumailalim sa libreng livelihood training ng Provincial Trade and Industry Office (PTIO) ang mahigit pitumpung mga residente ng Barangay Mahipon sa Lungsod ng Gapan Kahapon Martes, November 20, 2018.
Itinuro sa mga residente ang mano-manong paraan ng paggawa ng tinapay mula sa metikulosong pagpili ng mga ingredients, mga kagamitan, pagmamasa hanggang sa pagluluto ng tinapay.
Sa halagang P267.50 pisong puhunan ay pwede ng makagawa ng isang daan at labing limang pirasong tinapay na maaaring ibenta sa halagang P2.00 hanggang P3.00 kada piraso at posibleng kumita na limang raan pataas.
Isa si Yolanda Reyes sa mga dumalong ina sa naturang training at first time nakasubok ng pagmamasa. Mahalaga aniya ang mga ganitong programa ng pamahalaang panlalawigan dahil pangdugtong-buhay na rin ito sa dami ng gastusin sa araw araw.
Ayon kay Marilou Ramos, Project Development Officer ng Provincial Trade and Industry Office (PTIO), hindi imposible para sa mga mommies kung magsisipag lang ang mga ito at kung gusto talagang matutunan ang pagnenegosyo dahil aniya bukod sa maliit na puhunan lang ay madali itong pag-aralan.
Hinikayat naman ni Ramos ang mga residente na subukan ang pagnenegosyo para maiwasan ang pangingibang bansa.
Ang libreng livelihood training ay handog ng Provincial Government ng Nueva Ecija at ni 4th District Board Member Nap Interior Jr. simula pa noong 2016 na may layunin na mabigyan ng alternatibong pagkakakitaan ang mga mamamayan ng Gapan lalo na sa panahon na walang ani.
Samantala, bukod sa Livelihood Training sa Brgy. Mahipon ay kasabay nito ang pagpapakain sa halos anim na raang estudyante ng Mahipon Elementary School at Mahipon Day care center sa feeding program ng Pamahalaang Panlalawigan na Kitchen on Wheels-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.