Mula ng magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng all-out war laban sa paggamit at pagtutulak ng iligal na droga, na nagresulta sa pagsuko ng walong daang libong drug users at drug pushers’ ay muli itong nagbigay ng babala sa mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot na susubok manlaban at ayaw sumuko sa mga otoridad.

Sina Nueva Ecija Governor Czarina “Cherry” Umali at Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagpapasinaya ng Phase 1 ng Mega Rehab Facility sa Fort Magsaysay, Palayan City.
Kasabay nito ang pangako ng Pangulo na hindi ito titigil hangga’t may isang drug user at drug lord ang natitira sa bansa na sisira sa buhay at kinabukasan ng bawat kabataang Pilipino.
Ang mga salitang ito ang binitiwan ni President Duterte sa kanyang mensahe bilang Panauhing Pandangal ng pagpapasinaya ng Phase 1 ng kauna-unahang Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bansa, na ipinatayo sa Fort Ramon Magsaysay, Palayan City.

Binuksan na ang Phase 1 ng Mega Rehab Facility na may kapasidad na tumanggap ng dalawang libo at limang daang drug users na nagnanais sumailalim sa rehabilitasyon.
Pinangunahan ng Pangulo ang Ceremonial Unveiling of the Project Marker kasama sina Governor Czarina Umali, na kaisa at sumusuporta sa kampanya kontra sa iligal na droga at ng pilantropong negosyanteng Intsik na si Huang Rulun, na nagdonate ng mahigit 1.5 billion pesos para sa pagpapatayo ng naturang pasilidad.
May kapasidad na tumanggap ang kabuuang Mega Rehab Center na ito ng sampung libong pasyente na interesadong sumailalim sa rehabilitasyon, pero dahil Phase 1 pa lamang ang nabuksan ay nasa maximum na dalawang libo at limang daang pasyente na muna ang maaaring ipasok dito.
Tatlumput pitong pasyente ang nakatakda ng ilipat sa Phase 1 ng Mega Rehab Center na manggagaling sa Nueva Ecija, Pangasinan, Pampanga at Tarlac, na inaasahang aabot pa sa isang daang pasyente bago matapos ang taon.
Tantiya ng Department of Health aabot sa sampung libong piso ang babayaran kada buwan ng mga nagnanais na pumasok dito at libre naman para sa mga indigent o walang kakayanang makapagbayad.
Inaasahang gagaling ang mga pasyenteng papasok dito sa loob ng anim hanggang labing dalawang buwan depende sa sitwasyon ng pasyente.
Tatlong buwan na lamang umano ang hihintayin bago matapos ang Phase 2, 3 at 4 ng naturang pasilidad. Ulat ni Jovelyn Astrero