Patay ang isang lalaki matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa kahabaan ng Cabanatuan-Carmen road sa bayan ng Aliaga.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nakikilala ang suspek na inilarawang may taas na mahigit kumulang 5’6, katamtaman ang pangangatawan, nasa kwarenta hanggang kwarenta’y tres ang edad, nakasuot ng green short pants, red jacket at white t-shirt.

Base sa report ng pulisya, dakong alas dose kinse ng hating gabi noong August 19, 2017 nagsasagawa ng pagpa-patrolya ang pinagsanib pwersa ng Aliaga police station at PPSC Bucot Patrol Base First Maneuver sa nasabing lugar.

Inilagak sa punerarya ang bangkay ng isang lalaking naka-engkwentro ng mga pulis sa Aliaga.

Sa madilim na bahagi ng kalsada ay may nakaparadang isang kulay maroon, Rusi 125 motorcycle na walang plate number na may side car at body number na HO 788 kung saan isang lalaki ang bigla na lamang bumunot ng baril at pinaputukan ng dalawang beses ang patrol team.

Dahil dito ay napilitang gumanti ang mga pulis sa suspek na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kaagad na kamatayan nito.

Dinala ang bangkay ng lalaki sa CJD funeral parlor sa Bucot, Aliaga at isinailalim sa autopsy.

Nagsagawa ng on-site inquest investigation si Assistant Provincial Prosecutor Eddie Guttierez kung saan narekober ng SOCO ang isang caliber 5.56 revolver at isang bala nito, 2 fired cartridge and 1 misfired cartridge, isang bala ng 9mm, isang kulay blue belt bag na naglalaman ng dalawang kaha ng baril at anim na piraso ng transparent plastic sachet na may white crystalline substance na pinaniniwalaang shabu.

Samantala, itinumba ng hindi nakilalang suspek ang isa sa mga umano’y nakalistang drug personality sa lungsod ng cabanatuan.

Kinilala ang biktimang si Mario Reyes y Dacanay, kwarenta’y dos anyos, may asawa, residente ng Purok tres, barangay Bakero ng nasabing lungsod.

Hindi na umabot na buhay sa ospital ang isang umano’y drug personality na pinagbabaril sa Bakero, Cabanatuan City.

Ayon sa imbestigasyon, bandang alas kwatro ng hapon noong august 21, 2017 nang ratratin ng suspek na sakay ng isang motorsiklo ang biktima sa purok uno ng nabanggit na barangay.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang biktima na isinugod sa DR. PJGMRMC ngunit idineklarang dead on arrival.- ulat ni Clariza de Guzman